Heal 💚

Minsan, nakakalimutan ko na kung ano nga ba ang tunay na kahulugan ng kaligayahan, dahil matagal tagal na rin mula ng huli ko itong maramdaman. Hinayaan kong ang sarili ko’y balutin ng kalungkutan at malunod sa sarili kong mga insecurities. Mas binibigyang pansin ko ang mga pagkakamali ko. Mas binibigyang diin ko ang aking mga flaws and imperfections. Mas pinaniniwalaan kong hindi ako sapat, at kailanma’y hindi magiging sapat. Kaya mas pinipili kong lumayo sa mga tao. Lumalayo ako ‘pagkat iniisip kong “I am not good enough”. Dinepende ko ang aking kaligayahan sa mga taong nasa paligid ko, na alam ko rin namang mali. Hinayaan kong maging ibang tao ako base sa idinidikta ng iba, “just to be able to fit in – to feel like I belong”. Hinayaan kong mawala ang sarili ko sa paniniwalang sa ganoong paraa’y magiging maligaya ako.

Maka ilang beses na rin akong umiyak sa aking pagtulog sa gabi, tila ba ang kalungkutan ay mas lalong nananaig sa mga oras na ako’y nag-iisa. May mga pagkakataong umiiyak ako nang hindi ko nalalaman ang dahilan ng pagpatak ng aking mga luha. Hanggang sa namanhid na lang ako. Namanhid na lang ako dahil sobrang sakit na. Dumating ako sa puntong kinuwestiyon ko na kung bakit pa ba ako nabubuhay. Because honestly, it felt like I’m barely living. Alam ko dapat naghanap ako ng taong maaari kong pagsabihan ng mga saloobin ko, pero hindi ko magawa. Hindi dahil sa trust issues, kun’di dahil ayaw kong maging pabigat sa iba. Kaysa umiyak sa harap ng iba, mas pinipili kong mag-isip ng mga bagay na nakakatawa upang malihis ang usapan sa akin. That’s why I never opened up. Pero sinubukan ko. Ngunit sa gitna ng pagsubok ko, huminto ako, dahil hindi ko kaya.

Ngayon, makalipas ang halos isang taon ng paghihirap, nagsisimula na akong gumaling. Nagsisimula ng maghilom ang mga sugat sa aking puso. Ibinigay ko na ang buong sarili ko sa Poong Maykapal. Lahat ipinauubaya ko na sa Kanya, dahil alam kong kailanma’y hindi Niya ako huhusgahan kahit gaano pa ako ka-wasak. Sa patnubay at pagmamahal Niya, alam kong makakaya ko ang lahat.

Exit mobile version