Himbing

Huwag gisingin ang pag-ibig, maliban kung tama na ang panahon.

Pero iyong ipagpaumanhin mo kung naalimpungatan muli ang aking puso sa piling mo,

Iyong ipagpaumanhin kung masyadong nasanay sa hele mo hanggang sa mahimbing sa pagkakatulog.

Sadya lang sigurong nasabik sa tunay na pahinga pagkatapos mapagod ang aking puso.

At alam kong pagod rin ang iyo. Kaya’t ibibigay ko sa iyo ang kinakailangan mong espasyo makapagpahinga ka lang at muli kang maging buo.

Mahal kita. Mahal na mahal kita.Kaya’t hihintayin ko ang umaga bago kita mahalin pa nang mas lubusan..

Hindi ko sasamantalahin ang pagod mong puso upang mahimbing ito sa piling ko.

Isasama muna kita sa aking mga panalangin habang malalim pa ang gabi hanggang kahit man lang sa panaginip, makapiling kang muli.

Ilalaan ang oras sa paghahanda sa magandang bukas,

Sa tamang panahon.

Sa ngayon, mamahalin muna kita sa paraang maari.

Hindi ako aalis sa iyong tabi, pero hindi pa ito ang panahon para manatili.

Ipapakita ko sa iyong mahal na mahal kita, pero hindi ko sasabihin muna..

Pipigilan ko muna ang sigaw ng damdamin, Kahit alam kong ikaw pa rin ang ibubulong nito.

Ayaw kong masira tayo habang binubuo pa ang sarili ko.

Sa ngayon habang malalim pa ang gabi, Ako’y iidlip muna hanggang mahimbing.

Kukuha ng sapat na pahinga,

Dadalangin sa Diyos na ingatan ka, sapagkat pagkagising bukas, mamahalin pa kita.

 

Sa pagsikat ng bukangliwayway,

kapag mga puso’y panatag na,

Sasamahan kita sa bagong umaga hanggang sa pagkagat ng dilim hanggang sa mga susunod na bukas,

 

Ngayon at kailanman,

Sa lungkot at ligaya,

Hirap at ginhawa

Kapag panahon at puso’y nasa hustong gulang na.

 

Exit mobile version