Hindi ko lang din talaga siguro mapigilan.

Kahit naman ako nag-tataka, kung papano iiwasan, kung papano iilag, kung papaanong hindi masasaktan. Pero sa kada galaw bakit parang nakabuntot ka? Bakit parang kahit anong pag-lilibang ang ipuno sa isipan, wala akong magawa. Ultimong yung lalagyan ng paminta at asin na ginagamit ko noong nai-pagluluto pa kita ‘di ako tinantanan.

Maayos naman nating tinapos. Bukal naman sa kalooban ko na palayain ka. Kahit siyam na taon ang ginugol natin para sa isa’t-isa at napaltan yun nang agaran sa loob lamang ng dalawang buwan,

malaya akong nag-palaya.

Kasi alam ko lang na tama.

Alam ko lang na bahagi lang ako ng pag-lalakbay pero hindi talaga siguro ako ang destinasyon.

At naniniwala ako na possible yung mangyari sa lahat. Na sa oras na makita mo at makilala mo yung taong alam mong para sayo, hindi na yun mapipigilan ng kahit ano, ng kahit na sino.

Na wala na akong laban.

At kahit kailan siguro, sa larangan ng pag-ibig, hindi yun masama.

Siguro nga,

nasasabi kong malaya akong nag-palaya pero hindi ko pa ito kayang itapon sa limot.

Hindi ko pa nga siguro kayang harapin yung takot. Na maaring makatagpo muli ng panibago…

pero nangingibabaw yung nakakatakot na “pansamantala”.

Yung malalimang pag-iisip na… paano kung hindi ulit ako ang piliin? Paano kung gano’n ulit kadali ang pag-lisan.

Pero, hindi naman ibigsabihin na hindi ako uusad. Hindi ko lang din talaga siguro mapigilan sa ngayon, na maapektuhan, pero alam ko, gaya ng pag-tanggap, matututunan kong paanurin ang lahat sa alon ng panibagong mga alaala.

Exit mobile version