Hindi na maghihintay sa iyong pagbabalik
Mga bagay na kailangan binatawan na
Sapagkat masasaktan ka lamang sa tuwina
Kaya hahayaan na lang at ipauubaya
Hindi na aasahan na ika’y muling babalik
Mahirap abutin ang bagay na hindi mo nakikita
Isang suntok sa hangin kumbaga
Kaya ipinauubaya na lang sa Kanya
Hindi na umaasang babalikan mo pa
Hindi dahil kalilimutan na kita
Dahil kailangan ko na rin huminga
Ang masanay uli na mapag-isa
Hindi na inaasahang ako’y iyong maaalala
Hindi dahil ako’y iyong kinalimutan na
Dahil alam kong sa buhay mo ako’y may isang kabanata
Mga bagay na makapagpapangiti kapag iyong naalala
Hindi na ipinapanalangin maging akin ka
Itinigil na ang pag-asang isang araw babalik pa
Diyos lamang ang nakakaalam ng nasa hinaharap
Kaya hindi na ipipilit ang panahong hindi pa handa
Ang aking panalangin ay kahit saglit ay makita ka
Ang mayakap ka hanggang magsawa na
Iyon ang pangakong binitiwan ko sa’yo, hindi ba?
Kaya aking tutuparin kung magkakaro’n ako ng pag-asa
Pagkatapos kang yakapin, hindi na magpapakilala
Tatakbo na lang habang ika’y nagtataka
Kung ako’y iyong mahabol at ako’y wala ng takas pa
Wala na akong laban at ika’y ngingitian na lamang
Hindi ako magsasalita at hihintaying ika’y mauna
Hahayaan kitang ako’y iyong mamukhaan at maalala
Hihintayin kung ano ang iyong gagawin
Wala akong ibang gagawin kundi ang ika’y titigan
Kung diringgin ng Diyos ang aking panalangin
Hindi sasayangin ang panahon at pagkakataon
Magawa ko lamang ang ipinangako ko sa’yo noon
At wala na akong hihilingin pa kung magkagayon