Hindi pa rin ako sanay magising mag-isa sa umaga
Wala na kasing nakatitig sa mukha ko pagdilat ko
Wala nang nagsasabi ng, “Good morning, I love you” gising na
Wala nang nagpuputol ng kuko ko habang tulog ako
Ang pangit mo kasing gumupit at ‘di ka marunong
Tapos bigla mong hahalikan ang pisngi ko
Sabay sabing, “Oooppss, alam ko ang iniisip mo!” at sabay tawa…
Hindi pa rin ako sanay tumingin sa salamin nang mag-isa
Wala na kasing nagsasabi na ang gwapo ko kahit ‘di naman totoo
Biglang kukuha ng celfone, “Ui, picture naman tayo”
Na alam mong pinaka-ayaw ko
Bigla ka na lang tatahimik at mapipilitan na ako
“Sige na nga, basta ilayo mo at huwag mong itapat sa aking mukha”
Tatawa ka na lang bigla…
Hindi pa rin ako sanay mag-order mag-isa sa counter ng Mcdo
Wala na kasi akong katabi, ala Ninoy ang pose habang nag-iisip ng oorderin
Wala nang nakikipag-argue sa akin kung mainit ba talaga ang “hot fudge”
Yung nakikipag-debate kung saan ba talaga masarap ang manok
Sinagot kita, “Sa Chooks-To-Go, masarap kasi ‘yun kahit walang sauce”
Tapos tatawa ka nang malakas dahil sa corny kong joke…
Hindi pa rin ako sanay kumain ng spaghetti mag-isa sa Jollibee
Wala na kasing nang-aagaw ng hotdog ko
Magugulat na lang ako paglingon ko
Bigla kang titigil sa pag-nguya at kunwaring titingin sa malayo
‘Yun pala puno na nang hotdog ang bibig mo
Balat-less na rin ang chicken ko
Pero dun sanay ako, sa katakawan mo
Hindi pa rin ako sanay magsimba mag-isa tuwing linggo
Wala na kasing bumababa ng overpass para humabol sa misa
Matatapos na ang homily, darating ka pa lang
Galit na galit ako, pero susulpot kang bigla
Hahawak sa kanang kamay ko
Acting like guilty, pero cute na pusa
“Sorry, dami kasing inuutos si mama,” dahilan mo lagi
Napapangiti na lang ako, “Ou, talo na naman ako sa’yo”
Hindi pa rin ako sanay manuod ng movie sa celfone nang mag-isa
Wala na kasing umiiyak sa final scene ni Vin Diesel at Paul Walker nung nasa separate road na sila
Horror ang palabas, nakikinig sa sound effects, titili pero nakatakip ang mata
‘Yung kuntento na sa ulam na igado at Nestea Honey Blend
‘Yung ginagawang ulam ang bakang tig-do-dos na binibenta ni kuya sa kanto
‘Yung babaeng ‘di marunong gumupit ng sarili niyang kuko
Hindi pa rin ako sanay mag-isa
Pero dapat ko nang makasanayang mag-isa
Lalo na ngayon na wala ka na…
Photo by: Jollibee(Google on Display)
#Park En Stack Er