Mga katagang may kabigatan,
Lalo na kung hindi maluwag sa aking kalooban.
Mga bagay na kailangang sundin,
Para ang usapan ay hindi na pahabain.
Ngunit paano nga ba ikaw tatanggihan?
Kung bawat eksplenasyon ko ay nagiging masama sa iyong isipan.
Iba ang pagkarinig, iba ang interpretasyon,
Akala ko nung una ay ikaw’y sumang-ayon.
Ako ba ay nawawala na sa sarili,
Kung ang pag-intindi ko ay iba sa iyong pag-intindi?
Ako ba ay maituturing na makasarili,
Kung ang nasa utak ko ay aking sinasabi.
Bakit kailangang lahat ng galaw ko ay may proweba,
Na dapat may bakas na interesado sa aking mukha?
Ano nga ba talaga ang iyong ninananais,
Sa tuwing ikaw ang nagsasabi ng iyong mga plano at hinagpis?
Reaksyon nating dalawa ay sadyang magka-iba,
Kapag may mga bagay na dumadating na pa-surpresa.
Mukha ko ay seryoso ikaw nama’y kitang kita ang tuwa,
Pero sa akin ibig sabihin nito ako ay masayang masaya.
Mahirap man ang napasok na sitwasyon,
Alam ko namang may nakatakdang panahon.
Na ang lahat ng bagay ay may katapusan,
Maging itong paghihirap ko ay may hangganan.
Ngunit ang nais ko ay huwag akong maubusan,
Dahil pakiramdam ko’y wala na akong makapitan.
Nauubos din kasi ang aking pasensiya,
Lalung lalo na kung paulit-ulit pa.
Ang puso ko ay ayaw sumuko,
Ngunit habang tumatagal isip ko ay gumugulo.
Kung hanggang kailan nga ba ito,
Dahil nagmumukha na akong nagbabalat-kayo.