|Ikaw Ang Dagat Ko|

Payapa ang mundo sa tabi mo
May lalim sa’yong pagkatao
Gusto kitang pagmasdan
Ang kalmado ng etsura mo
Ang galak sa mapupungay mong mga mata
Ang lawak ng pagkakangiti mo
Sa tuwing ika’y nagkukwento
Hindi ka nakakasawang kausap
Bawat salitang namumutawi sa labi mo
Ay parang awit ng pag-asa
Na kailanma’y ‘di ako kayang lunurin sa kasinungalingan
Gusto kong hawakan ang malalambot mong mga kamay
Hindi maluwag at hindi rin mahigpit
Sapat lang upang ako’y kumapit at hindi ka bumitaw
Nakita ko sayo ang repleksiyon ng paglubog at pagsikat ng araw
May taglay na kabutihan ang ikinubli sa’yong puso
Saksi ang kulay asul at ang malawak na tubig
Sa kung paano kita pinangarap at minahal nang palihim
At kung paanong nawasak ang binuo kong pangarap
Nagdadabog ang alon sa dagat
Binura ang masasayang alala natin na noo’y naiwan sa bawat yapak sa buhangin
Nakita ko kung paano ka tangayin ng alon patungo sa ibayong dagat; palayo sa akin
Gusto mang kitang sagipin
Ngunit hindi ako kasing tapang ng ibang manlalayag
Pinangangambahan at pinangungunahan ako ng takot; hindi ako pumalaot
Parang sobrang saya na ikaw ay palayain
Na tila may di mapilgil na pagtulo ng luha
Kaya mula dito sa malayo,
Tinatanaw ko lang ang dagat
Tinatanaw ko lang ang ganda mo
Dahil una pa lang, natakot na akong languyin — ang posibilidad na maging Tayo.

Published
Categorized as Poetry
Exit mobile version