“Kapag pwede na”

Hindi ko sukat akalain nandiyan ka na pala

Mga sulyap mong hindi ko maipinta

Saan nanggaling ang nadarama?

Biglang naramdaman paunti unti ang mga kilos nating may ibig sabihin na.

Mga unang usap, mga unang kita di pwedeng ipahalata na baka para sa akin ako lang pala mag-isa, 

mag-isang nakakaramdam ng tuwa at sayang di ko mabasa na naguguluhan ang isipan kung saan padadala.

Mga titigang biglang nagpapasaya sa mga labing gustong pagdikitin na, pero? 

Paano ba?

Sa tuwing kasama ka, wala na ngang pake sa iba, iba kasi ang iyong dulot na pantasya na iyon pala’y katotohanan na nagiging komplikado na.

Komplikado? 

Bakit nga ba komplikado pa?

Ah, alam ko na! Hindi nga lang pala tayong dalawa dahil nakakulong tayo sa mga bakit, paano, sana at sa kanya.

Sa una lang pala no? 

Sa una lang pala masaya dahil sa huli ay masama na.

Dahil sa huli natin naiisip ng mabuti ang mga kamalian sa bawat titig, ngiti, salita at galaw na ating pinagsasaluhan. 

Nagiging magulo na ang iyong isipang hindi ko na kayang ayusin pa ng mga bisig kong kapit na kapit pa na alam kong sa huli ay talo pa rin pala. Masaya ako at masaya ka, pero sa huli ako nalang pala, 

ako nalang pala yung gustong kumapit pa dahil gusto ko pa rin maniwala na baka sana may tayo pa, 

kahit may kayo na noon pa. 

Isa lang naman akong kalawit na kumawit sa iyo para libangin at pasiyahin ka habang hawak hawak mo. 

Nawalan ako ng pake para sa iba dahil ikaw lang ang naiisip ko, ang isip bata no? 

Pasensya ka na, hindi ko maisip kung paano kang hindi isipin, dahil nakalimutan ko yon habang kinakalimutan ko ang realidad na sumasakop sa atin na pilit nating tinatakasan dahil hindi pa mawari ang realidad na para sa atin. 

Ang sakit, 

ang sakit isipin kung saan pa tutungo ang nararamdaman kong ang hirap putulin na kahit gusto kong gawin para sa akin pinipili ko pa ring sumugal, 

sumugal para sa kinabukasan na baka sakaling may ikaw at ako pa. 

Pinipilit ko nang magalit pero mas matimbang ka pa sa sama ng loob na naiipon bawat saglit. 

Isa lang ang hinihiling ko sayo, at sana sundin mo, sundin mo ang totoong kaligayahan na nararamdaman mo at piliin mo naman ang sarili mo. 

Hindi ko man alam ang tunay na kaligayahan mo pero sa sarili mo sana’y mawari mo. 

Sa bawat pindot ng mga letra na nagiging salita na napupunta na sa isang mensahe para sayo, lagi mong tatandaan na hindi ako mapapagod na umasa na sa tamang panahon pipindot ka ng mga letra na magiging salita na mapupunta na sa kwento nating dalawa kapag pwede na, 

kung pwede pa.

Exit mobile version