Napakaraming bagay na ang sumubok sa pasensya ko… pila sa fastfood, trapik sa EDSA, pagdating ng inorder kong sapatos online, paglabas ng resulta ng board exams, pagpatak ng Alas Sais ng gabi sa opisina para makauwi na. Pero walang papantay sa paghihintay ko sa araw na dumating ka sa buhay ko.
Hindi kaya nakita na kita? Baka ikaw na pala yung kahera sa fastfood, o baka nakatabi na kita sa jeep sa EDSA. Baka ikaw pala yung nagdeliver ng sapatos ko o kaya naman ay yung kasunod ng pangalan ko sa listahan ng pumasa sa board. Hindi ko alam pero baka marahil ay nakita na kita.
Pupwede rin namang hindi pa. Baka busy pa tayo pareho sa pagsasaayos ng kanya-kanya nating buhay. Busy pa mahalin yung maling tao o sinusubukan pang araling mahalin ang sarili bago ang iba.
Dumating na rin ako sa puntong nakaramdam nako ng pagkabugnot at pagka-inggit at pangamba. Bakit antagal mo dumating? Bakit computer mouse nalang lagi ang ka-holding hands ko araw-araw? O baka naman wala talagang nakasadya para sakin.
Pero ano at ano pa man, handa naman akong hintayin ka.
Kaya gawin mo lang kung anuman ang dapat mong gawin. Kung kailangan mo munang umangat sa buhay.. o kung gusto mo pang gumala mag-isa o kasama ang barkada.. Baka kailangan rin nating sumubok at magkamali muna para matuto at maging handa. Pero huwag kang mag-alala, magkikita rin tayo nang naaayon sa plano ng Lumikha.
Kaya kalma lang tayo. Sabayan nalang muna natin yung agos ng buhay. Tatagan lang natin ang tiwala natin sa Kanya. Dahil balang araw, sa panahong approved na sa plano Niya.. sa panahong alam na natin pareho ang gusto natin talaga, magkukrus rin ang landas natin. Kaya kalma lang… makikilala rin kita.