Umulan ng malakas, nanghina ang katawan, ewan ko ba parang nalungkot na lang bigla, ayaw na lang kumausap ng kung sino man.
Nakahiga, nakatulala hindi sigurado sa nararamdaman, masakit? Masakit pa ba? O nasanay na lang sa pait.
Nakatitig sa kawalan, buong araw ay nasayang nanaman, iniisip ang nakaraan, anong mali? Paano humantong sa hindi na makabalik sa dati?
Malabo. Malabo ang lahat ng alaalang nasa isipan ko, hindi na nga sigurado kung nangyari nga ba talaga ito? O baka naman nananaginip lang pala talaga ako, Nakilala ko nga ba talaga ang isang taong kagaya mo? Ang taong hindi ko alam na mananakit sakin habang ako’y kasalukuyang nawawasak pa rin.
Pinasaya, pinatawa.. mali lahat ng nadarama, pinag laruan lang pala talaga tayo ng tadhana. Hindi na ko sigurado kung pagmamahal na lahat ng naramdaman ko o yun na lang ang gustong paniwalaan ng puso ko? Ang ngiti at sayang Nakita sa mga mata, totoo nga ba o gawa gawa lamang ng pusong nangungulila?
Dahil simula ng nasaktan ako, pakiramdam ko, lahat ay hindi na totoo.
Pinaasa. Pinaasa mo nga lang ba talaga ko? O ako lang itong umasa na pwedeng mahal mo rin ako.
Sa mga saya, sa oras na tayo’y magkasama.. wala lang ba talaga sayo ang lahat o hindi lang talaga ako naging sapat?
Sa tuwing magtatagpo ang ating mga mata, bakit sakit na lang ang aking nakikita? Hindi na makangiti kaya pasensya ka na, hindi ko pa kayang maging masaya o mag panggap na baka pwede tayo muling maging magkaibigan.. dahil hindi ako naniniwala na maaari mong maging kaibigan ang isang taong minahal mo, dahil ang totoong pagmamahal ay hindi yun matatapos.
Nakakatakot, na kapag patuloy kitang kausapin, hindi na matatangal ang pagmamahal na meron ako para sayo, na baka kapag may dumating, hindi ko na siya kayang mahalin.
Kaya nais kong maging patas, palayain ka ay hindi ko alam kung tamang salita, dahil papalayain mo ba talaga ang taong alam mo naman na mahal ka?
Malaya. Yan sana ang nais kong sabihin sayo, ngunit dapat ko ata yan sabihin sa sarili ko.
Pinapalaya ko na ang pagmamahal ko sayo,
Pinapalaya ko na ang sayang naramdaman ko mula sayo,
Sa alaalang hindi na alam kung totoo,
Sa masasakit na senaryo na naging totoo,
Sa buhay na nakasanayan ko na kalianman hindi na mababalikan.
Pero nais ko magbago, Mabago ang ako na minahal ka,
Magbago para sa bagong tao sa dadating ulit sa buhay ko, para maging tama na ang mga alaalang maaari kong ikwento sa magiging supling ko na…
“Anak, ang pagmamahal, hindi lahat ay magiging masaya… magiging masakit at mapaet.. pero meron at meron kang taong makikilala na papalitan ang pait at magiging tamis. Ang tiwala mo ay magbabalik na lang bigla. Kaya huwag mo hanapin ang pagibig dahil kusa itong lalapit, Sa tamang oras, sa tamang rason, sa tamang pagkakataon… sa tamang tao.
At kapag nahanap ka na niya, lahat ng bakit mo ay mapapalitan ng kaya pala, …Ikaw pala”