Current Article:

Kung paano ko siya nakilala at naiwala

Kung paano ko siya nakilala at naiwala
Categories Waiting

Kung paano ko siya nakilala at naiwala

 

Naaalala ko pa rin yung araw na unang beses na nakita ko siya. Nakaupo siya no’n sa tapat ng school namin–may kachat, naghihintay na magbukas yung gate nang makapasok na. Nung araw na yon pakiramdam ko biglang bumagal yung paligid non–hindi dahil sa gusto ko na siya kundi dahil sa inaalala ko kung bukod sa araw na yun eh kung nagkakilala na ba kami dati pa. Natapos yung araw sino ba namang mag-aakala na makikita ko ulit siya sa village namin–hindi dahil sa dun siya nakatira kung hindi dahil andoon yung pinakamatalik niyang kaibigan.

Lumipas ang araw nakakapag-usap na kami, napag-alaman kong iisang paaralan lang pala yung pinapasukan namin nung junior high school kaya siguro pamilyar yung itsura niya at hindi lang yun, akalain niyo buong junior high school eh magkalapit lang palagi yung classroom namin at bukod dun yung mga kaibigan ko pala eh halos mga kaibigan niya rin. Lumipas ang buwan, naging close kami–sobrang komportable pa nga niya sakin no’n sabi niya. Ewan ko paano pero isang araw nagising na lang ako parang nagugustuhan ko na siya at hindi ko alam kung anong gagawin ko kasi magkaibigan kami eh. Isang linggo bago ako umamin sa kanya, nalaman kong gusto rin pala siya ng dalawa sa mga kaibigan ko kaya naman napanghinaan ako ng loob na umamin. Pero kalaunan umamin pa rin naman ako, matapang ako eh–tapang-tapangan.

Matapos ko umamin, hindi naman siya umiwas. Mas lalo kami naging close no’n, palagi kaming sabay umuwi galing school at madalas din eh hinahatid ko muna siya sa sakayan ng tricycle bago ako maghintay ng jeep na masasakyan ko pauwi. Nagpatuloy na ganon yung sistema namin hanggang sa nagpasya ako na ligawan siya, pumayag siya na manligaw ako kaya naman sa tuwing mayroon akong pagkakataon talaga namang nage-effort ako; bigay ng handwritten letters, tula, drawings, at kung ano pa sa tuwing makikita ko siya sa school. Ayos naman lahat, inabot ng ilang buwan na ganoon hanggang sa naramdaman kong parang walang pinatutunguhan yung mga ginagawa ko kaya tumigil ako. Tinanong ko kasi siya kung may pag-asa ba sabi niya hindi pa daw siya ready kaya after non umiwas muna ako panamantala. Kaso hindi ko naman kinaya, ilang araw lang naging okay ulit kami–bumalik kami sa kung ano ba kami non, yung magkaibigan na sobrang close at komportable talaga sa isa’t-isa pero hindi ko sigurado kung kaibigan ba talaga turing niya sakin kasi masyado kaming pormal sa isa’t-isa tuwing nasa school, nag-iiba lang kami kapag kaming dalawa lang. Pumalpak ako na alisin yung feelings ko para sa kanya kahit na sinubukan ko na noon pa man dahil alam ko na ayun na yung narapat kong gawin kaya sabi ko no’n sa sarili ko bahala na lang tutal may dalawang taon lang naman kami sa senior high school, alam kong pagdating ng college hindi naman kami maoobliga na magkita o magkasama kaya panigurado kapag dumating yung araw na yun eh hindi ko na maiisipan na gusto ko pa rin siya.

Magkaiba ang mundo namin. Kung idedescribe ko siya sobra siyang maganda, mabait, talented, at matalino–almost perfect, kaya madalas naiisip ko talaga na hindi niya ko deserve dahil simpleng tao lang ako pero ganunpaman sinubukan ko naman maging better para sa sarili ko at para masabi ko rin na deserve namin yung isa’t-isa kung sakaling mabigyan niya ko ng chance. May isang tagpo lang talaga na hindi namin inaasahan na mangyari, andami palang tutol sa pagkakaibigan namin–yung ilan sa mga may gusto sakanya nagagalit sakin kaya naman sinubukan ko ulit umiwas pero siya naman ‘tong nakiusap na wag akong umalis dahil kung totoong masaya kami sa isa’t-isa hindi na namin dapat isipin kung ano yung sasabihin ng iba. Naisip ko tama siya no’n kaya nanatili ako, tutal kahit naman anong piliin naming gawin pareha may masasabi pa rin ang mga tao kaya dapat lang na MAS piliin namin yung totoong nagbibigay saya samin. Nagpatuloy na ganon, gusto ko pa rin siya at pakiramdam ko no’n malapit na maging kami. Kung iisipin, para kaming MU pero hindi kasi hindi niya naman inamin sakin kung gusto niya na rin ba ko basta lang masaya kami. Dumating yung Valentine’s, nagperform ako no’n sa school, tinugtog ko yung paboritong kanta naming dalawa. Nung gabing yon halos lahat perpekto; ako, siya, yung paborito naming kanta sa isang gabi na hindi ko malilimutan. Nung gabing rin na iyon hinatid ko siya pauwi, habang naglalakad kami dun ko inabot yung bulaklak tsaka tsokolate na kanina pa nakatago sa bag ko na hindi ko lang maibigay sa school dahil nahihiya ako. Inasar niya pa ko no’n, nabanggit ko kasi sakanya na hindi ko naman talaga hilig magbigay ng mga ganoon sa taong gusto ko dahil nac’cornyhan ako pero syempre wala namang taong in love ang hindi naging corny diba? Yung huling beses na nakasama ko siya tumambay kami no’n sa parking sa isang mall, nakaupo kami sa parang isang hadgan–nag-uusap tungkol sa mga bagay dahil nagbabalak siyang lumipat ng school pagdating ng grade 12. Kinabukasan no’n natanggap namin yung announcement na suspended na yung 4th quarter namin dahil nga sa ECQ kaya naman kaming dalawa sa chat na lang kami nakakapag-usap, ayos naman lahat hanggang sa kinompronta ko na siya kung ano ba kami. Bigla kasi siyang lumabo tapos ako naiwan na naguguluhan kaya naisipan ko siyang tanungin kaso pakiramdam ko na-pressure siya kaya ayun hinayaan ko na lang siya naisip ko rin kasi no’n baka kailangan niya ng time para sa sarili niya tutal hindi naman pwede na palaging sa amin na lang umiikot yung oras ng isa’t-isa.

Hindi ko siya kinausap, hindi niya rin ako kinausap. Sa madaling sabi, natigil na kami sa pag-uusap, pakiramdam ko nagulo ko siya nung gabi na kinompronta ko siya kaya sinubukan kong umiwas muna. Pumalpak ulit ako sa pag-iwas, pagkalipas ng ilang buwan namiss ko siya kaya naman sinubukan ko siyang i-message kaso siya okay na pala siya. Ilang linggo pa siya na yung umiiwas, nagrereply siya sa tuwing kinukumusta ko siya pero hanggang doon na lang palagi yung usapan namin. Nung araw bago yung 18th birthday niya nagpunta ko sakanila para mag-abot ng regalo, kita ko sa mata niya no’n na sobrang masaya siya sa regalo ko kaya naman ako naging masaya rin. Sa pagkikita namin na yon hindi kami nagkausap pero wala rin naman kaming dapat pag-usapan dahil sapat na sakin na makita siya nung araw na ‘yon. Pagkalipas ulit yung isang buwan dumating yung araw na pinangako namin sa isa’t-isa na magkikita kami. Madalas tanong niya sa sarili niya lalo na sa tuwing masaya siya kung hanggang kailan lang ba siya magiging ganon, minsan kung may makikita kaming isang bagay tinatanong niya ko kung paglipas ba ng ilang taon eh andon pa rin yon kaya ayun nakiusap siya sakin na pagkalipas ng isang taon babalik kami sa isang lugar na minsan namin pinuntahan nung araw na hindi siya okay para lang alamin kung ano ba yung mga nagbago sa lugar na yun pati sa mga nagbago na samin. Kaso nung dumating yung araw na yun ako na lang yung andon, siya? hindi siya sumipot. Hindi ko na rin pinaalala sakanya dahil naisip ko kung mahalaga sakanya yung pangako namin na yon kahit pa likas na makalimutin siya eh maaalala niya yon.
Dumating na yung ngayong taon tapos ako heto gusto pa rin siya, alam niya yun na gusto ko siya. Sa ilang buwan naming magkasama at magkausap hindi naman ako pumalya na ipaalala sakanya na gusto ko siya–na mahal ko siya. Pakiramdam ko nga no’n naririndi na siya sa paulit-ulit na pagsabi ko sakanya ng mga salita na iyon. Siya naging busy siya, may online class kami eh tapos alam ko sabi niya no’n sinimulan niya na rin gawin yung mga bagay na matagal niya na gustong simulan kaya lang wala siyang time–sa madaling sabi naging busy siya sa pagtulong sa sarili niya. Sobrang proud ako sakanya dahil don kasi finally nahahanap niya na sarili niya. Dati kasi insecure siya dahil naiisip niya no’n na palaging maraming better sakanya, sa tuwing sinasabi ko na maganda siya sinasabi niya na palaging may mas maganda, sa tuwing sasabihin ko naman na mabait siya sasabihin niya paano daw siya naging mabait kung minsan eh inaaway niya ko, sa tuwing sasabihin ko na talented siya sasabihin niya na hindi naman siya magaling–na marunong lang siya, at sa tuwing sasabihin ko na matalino siya sasabihin niya may mas matalino pa rin lalo pa sa school madalas siya ikumpara ng teachers namin sa isang kaibigan niya na talaga namang matalino pero para sakin siya yung pinaka sa lahat ng nabanggit ko eh; pinakamaganda, mabait, talented, at matalino pero hindi ko nasabi sakanya dahil alam kong hindi niya rin naman paniniwalaan kaya mas minabuti ko na suportahan na lang siya sa tuwing may susubukan siya na bagong bagay na tingin niya eh dun niya makikita yung sarili niya. Deserve niya yung suporta kasi siya sobrang supportive niya din sakin, sa tuwing may performance ako lagi siyang nasa unahan–sumasabay sa kanta ko, madalas pagdating sa academics tinutulungan niya din ako kaya naman hindi ko talaga masabi na nagsisisi ako na nagustuhan ko siya kahit pa hindi naging maganda yung ending namin.

Sa madaling sabi, nung araw pa lang na natigil kami mag-usap naiwala ko na siya no’n. Akala ko naging busy lang siya pero yun pala umiiwas na talaga siya, ginawa niya daw ‘yon para sakin–para daw mawala na yung pagkagusto ko sakanya. Eventually naisip niya na hindi niya ko gusto, na hindi niya ko nagustuhan noon at hindi niya magugustuhan sa mga susunod pa na araw, buwan, o taon. Kaya nakiusap siya sakin na sana tigilan ko na siya, ako syempre hindi naman gano’n kadali para sakin na basta na lang siya bitawan lalo pa’t isa siya sa dahilan kung bakit nagiging masaya ako kaya naman umabot sa punto na gulong-gulo ako. Humingi lang ako ng sorry no’n tas sinabi ko na titigilan ko na nga siya.

Alam ko sa sarili ko na aabutin nang matagal bago ko tuluyan na mabitawan siya kaya naman sa ngayon maghihintay muna ko. Nangangamba kasi ako na baka isang araw kailanganin niya ko tapos hindi niya ko madatnan kaya sa ngayon palihim ko na lang siya mamahalin, at susuportahan. Kapag dumating yung araw na makita kong buo na siya, handa na, at kaya niya na doon ko na sisimulang palayain yung sarili ko mula sa ala-ala naming dalawa. Nangako ako sakanya na mananatili ako kahit pa sa mga pagkakataon na hindi niya gusto yung pananatili ko kaya naman tutuparin ko iyon. Gusto kong magsilbing safety net niya kahit pa alam ko naman na nag-iingat siya sa paghakbang patungo sa better version niya, gusto kong manatili sa likod niya sa bawat pag-abante niya para kung sakaling mahulog siya eh madali ko lang siyang masasalo at maaalalayan pabalik.