Mahal, Tapusin natin at Simulan.
Categories Poetry

Mahal, Tapusin natin at Simulan.

Mahal, tapos na tayo.

Tapos na tayo sa kakahintay ng pag-ibig na gagamitin lang upang magpakilig.

Tapos na tayo sa kagustuhan na pumasok sa relasyon dahil lang sa emosyon.

Tapos na tayo sa pagtingin na ang pagmamahal ay nakatuon lamang sa pisikal.

Tapos na tayo sa pag-iisip na ikaw at ako ang kukumpleto sa ating kwento.

Tapos na tayo sa paniniwalang basta okay tayo kahit walang “tayo”.

Tapos na tayo sa pagpupumilit na umibig kahit ang oras at ating pagkatao’y hindi pa kaibig-ibig.

Mahal maaring bang simulan natin?

Dito tayo MAGSISIMULA.

Simulan nating mahalin ang may likha ng Pag-ibig at tiyakin na Siya ang una higit sa ating dalawa.

Dahil alam natin na kapag Siya ang una sa lahat, ang magiging relasyon natin ay tapat.

Simulan natin na sumunod sa Kanyang salita at matutunan muna kung ano ba talaga ang Pag-ibig.

Dahil mas magiging mahusay tayong magmahal kung tunay nating nauunawaan ang kahulugan.

Simulan natin na mahalin ang mga taong mahal Niya. Magbigay muna tayo sa iba.

Dahil ang pagmamahal Niya ay hindi lang limitado sa ating dalawa.

Simulan natin sa pagbabago at pag-aayos ng ating mga sarili.

Dahil sisirain lang natin ang maganda Niyang kwento kung hindi.

Simulan natin sa paghahanda para sigurado tayo na ano man ang dumating pipiliin pa rin natin ang isa’t isa.

Dahil ang pag-ibig ay desisyon. Araw -araw nating pipiliing manatili.

Kaya tapusin natin ang dapat tapusin at Simulan na sarili muna ay kilalanin.

At kapag nagtagpo na tayo, kapag itinakda na ng may Akda, isusulat ko sa isandaang papel ang libong tula kung gaano kita kamahal.