Napapanahon, tila ba lahat ay mistulang nakakulong.
Nakatago sa tahanan ngunit mas bilanggo ang isipan.
Nagpapanggap na malakas para sa lungkot ay makatakas.
Sa isang sulok ng silid, may mga luhang nangingilid.
Mga hinanakit na nais ibulalas, mga salita na para bang nakaposas.
Mga sigaw na walang ligalig, mga boses na walang nakakarinig.
Pinalagpas ang maraming pagkakataon.
Ikinulong ang sarili sa maraming sitwasyon.
Maraming katanungan sa aking isipan.
Naghihintay sa mas maraming kasagutan.
Sa lalim ng pagkakakulong ng isipan, ang mga ngiti at saya ay tuluyan ng ninakaw ng kalungkutan.
Maraming pangamba sa sarili, laging pinangungunahan ang mga mangyayari.
Tunay ngang malaya ang mundo pero mas pinili na ikulong ang sarili mo.
Sino nga ba ang tunay na magpapalaya?
Ano nga ba ang totoong magpapasaya?
Paano makakamit ang tunay na kalayaan?
Sa mga oras na ito ay walang nakakaalam.