Current Article:

Nakalimutan ko, Mahal Niya pala Ako

Nakalimutan ko, Mahal Niya pala Ako
Categories Depression

Nakalimutan ko, Mahal Niya pala Ako

 

Ako ay parang isang kandilang nauupos, pag-asa ko ay unti unting nauubos. Parang kandila, liwanag ko’y unti unting dumidilim, humihina, paligid ko ay di ko na halos makita. Nasaan na ang apoy na sa aking mata noo’y nakikita? Ano nga ba ang nangyari? Nasaan na nga ba ang ako dati?

 

Ang paligid ay gumiginaw, hangin ay umiihip, napapatay nito ang liwanag na mula sa aki’y sumisilip. Mga problema ko’y parang hangin, mga bagyo, di ko alam paano ko mapaglalabanan ang mga ito. Ang apo’y na aking iningatan, pinagsumikapan, akin na lang bang hahayaan? Sa pagpupumilit kong magbigay liwanag sa buhay ng iba, sarili ko ay nakalimutan ko yata? Sa pagtuklas ko sa mundo, sarili ko ay naiwala ko, ito’y di ko napansing naglalaho.

 

Ngayon paligid ko’y tuluyan ng dumilim. Tahimik lahat at taimtim. Wala akong marinig, wala pati ang aking tinig? Ang apoy ko ay nawala, sarili ko’y di ko na maalala. Sino na nga ba ako? Ako pa ba ito? O ako ay anino na lamang ng aking nakaraang pagkatao?

 

Sa kadiliman ako ay lumuha, humihingi ng tulong sa lumikha. Nais kong lumayo, hanapin ang sariling naiwala ko. Ngunit ang lumikha ay di papayag, na ako ay mapalayo at maglayag. Nais niyang ako’y magtiwala, na siya ang bahala. Na ako’y pumanatag dahil siya ay matatag at di matitinag.

 

Marahil kaya ako ganito, siya ay kinalimutan ko. Sa pagpupumilit kong magliwanag sa mundo, nakalimutan kong siya ang gabay ko. Nawaglit sa aking isipan, pagtanggap ng mundo ay di ko kailangan, na ang mundo ay parang isang kulungan. Sarili ay naiwala sa pagpupumilit na sa mundo’y pumasa, nakalimutan kong ang pagtanggap lang ng lumikha ay sapat na. Ang pamantayan ng lipunan ay di ko  pala kailangan abutin, isipin.

 

Aking dapat tandaan, siya na lumikha ay namatay, upang ako ay mabuhay, siya ay nawalan ng hininga para ako ay guminhawa. Ako ay di karapat-dapat, ngunit ako ay kanyang minahal ng tapat. Ako’y di dapat maupos na parang kandila, dahil ako ay mahal ng lumikha