Naglakbay ako. Naglakad-lakad. Kapag nagigising kasi sa umaga at sobrang lungkot, tiyak dahil sa naalala ko na naman ang kahapon. Maraming nangyari, maraming nawala at naglaho, kasama ka na roon.
Kaya kapag naglalakad lakad ako nakakalimot ako. Pero ang pinakamaganda roon, nakatanaw ako sa langit, napasarap pagmasdan na sa bawat umaga ay may pag-asa. Na ang Diyos lang ang tanging tutulong sa akin para maging mabuti ang pakiramdam ko at ang kalagayan ko.
Kaya lang sa paglalakad lakad ko, nakarating ako sa dating tagpuan, sa lugar kung saan tayo nangarap at nangako na magpakailanman ikaw at ako, mula noon hanggang dulo. Masakit pala. Kahit na naka-recover na ako sa depresyon, unti-unting nilalamon ng lungkot ang puso ko. Di lang ako makaiyak dahil napakaraming tao. Pero talagang masakit. Akala ko nga di na ako makakaalis sa pwestong iyon.
Pero kailangan kong maging masaya at magpatuloy. Kaya tiniis ko ang hapdi. Hindi ko inalintana ang lungkot. Doon naalala kita. Kung bakit ayaw mo na akong makita at makausap. Di lang dahil sa bawal, kundi napagtanto ko, baka sa halip na makayanan mo ang lungkot e, lalo ka lang mahirapan. Kasi kapag nakita mo ako at nakausap, maaalala mo rin ang kahapon. Mas lalo ka lang masasaktan dahil pinaghiwalay tayo ng panahon.
Hanga ako sa iyo, sa katapangan at lakas ng pananampalataya na pinaiiral mo. Hanga ako sa iyo dahil alam mo na bago ka, may kailangan muna akong ayusin at balikan kaya nagsasakripisyo ka. Hanga ako sa iyo dahil kaya mong ipagwalang-bahala ang taong mahalaga sa iyo at mahal mo dahil gusto mo na huwag sa iyo mabuhos ang atensyon at lakas ko. Hanga ako sa iyo dahil kahit malungkot ka, inaaliw mo ang sarili mo sa pamamagitan ng panalangin, pagsunod at pagtitiwala sa Diyos.
Pinahanga mo talaga ako. Idol kita!
#19924