Pag-Ibig
Categories Faith

Pag-Ibig

Iba’t ibang klaseng pag ibig na ang aking naranasan

Pag-Ibig na ibinigay pero pinabayaan
Pag-Ibig na inilagay pero hinatulan
Pag-Ibig na nilagak at pilit inilaban, sa lahat
Ibat ibang klaseng Pag-Ibig ngunit salat
Ibat ibang klaseng Pag-Ibig pero bakit tila ang bigat, ng bawat buhay
Na pilit namang inaalay
Ang puso hanggang mamatay
Hanggang mawalan ng sindi
Ang ilaw ng kandilang daladala
Hanggang mamatay
Ang ilaw, mapundi,
Ang sindi ng pusong karga-karga,

Ang damdaming hahamakin ang lahat
Makamtan ka lamang
Ang damdaming Dapat hustong umaalat
Ngunit bakit tumatabang?
Ganun naman talaga dba? Sa una lang magaling
Ang damdaming nagaalab ng una, ngaun sa iba na nakabaling
Sa una, sayo lang nakatingin ng diretso ngaun tila duling, At higit pa sa bulag
ang matang nakakakita, ngunit ayaw umaninag
Pipiliting hindi makakita huwag lang mabasag
Ang damdaming inialay na ito
Ang damdaming hinubad ang totoo
Ang damdaming ilalaban ka kahit masaktan na
Ang damdaming ibababa ang sarili para maitaas sya

Bakit ba ganito kakomplikado ang Pag-Ibig?
Bakit ba ganito kababaw ang tubig
Ganoon nga ba talaga kababaw ang depinisyon?
Kung madaling ilubog madali ring umahon
Hindi ba’t pipilitin mong lumaban sa alon
Bawat bayo at hampas ng sakit ng kahapon
Lulunurin Kang pilit dahil mahina ang emosyon
Na Pipiliting iahon ang nakalubog na
Na Pipiliting simulan ang wala at tapos na

Wala na ba talagang pag-asang makaranas ng tunay na pag ibig?
Yung ibibigay din ang lahat para sayo wag lang mapunit, ang puso
Ang pusong napapagod na sa buhay
Ang pusong ginawa naman lahat,
pero meron paring lumbay
Ang pusong gumagapang na pero pinipilit pading lumaban
Ang pusong tila tuyong parang,
na pilit tinutubigan

Sinubukan kong maglakad lakad, lumingon-lingon,
Baka sakaling makita na ang Pag-Ibig na hinahanap ng matagal ng panahon
Sinubukan tumakbo at lumayo sa kahapon
Sinubukan muling buksan ang pakpak at lumipad ng mahinahon,

Pero may sira ang pakpak na meron ako
May sira dahil hindi ako buo
May sira dahil basag nga pala ang puso ko
May sira dahil nakalimutan ko kung sino ako
Mula sa itaas ng himpapawid ng imahinasyong gawa gawa
Nagsimula nang mahulog paibaba
Ang damdaming pagod na sa ideyang ayaw ng mabuhay pa
Bumulusok, mula sa itaas alam kong katapusan na
Ipinikit nalang ang mga mata baka sakaling hindi maramdaman
Ang pait ng huling karanasan
Papalapit na sa lupa kasabay ng iyak at luha
Pighating nararanasan, biglang tuluyang nawala

Pagmulat ng mata ika’y aking nakita, napagtanto
Hawak mo pala sa iyong mga kamay ang aking puso
Bahaging kulang sa pagkatao’y unti unting nabubuo
Niyakap mo ko ng mahigpit sa iyong mga bisig
pinaramdam sakin ang tunay na Pag-Ibig
Kahit tila nagtatanong kung paano at bakit
Nginitian mo lang ako ng marahan inipit
Sa pagitan ng iyong kamay at dibdib

Hindi mo pala ako iniwanan kahit kailan
Na kahit akala ko’y ilang hakbang na ang layo isang atras lang ang pagitan
Kahit tumakbo ako sa kalooban mo hindi mo ko pinabayaan
Aamining matigas ang ulo,
Pero binigyan mo pa din ng layang pumili ng Nais sa buhay
Sinubukan kong Hanapin ang Pag-Ibig sa isa ding lumbay
Akala ko kasi kayang punan nito ang ninananais ko
Sa huli, nasaiyo padin ang Pag-Ibig.
Pag ibig na totoo
Pag-Ibig na hindi sakim
Pag-Ibig na hindi mababaw at hindi masisidsid sa sobrang lalim
Pag-Ibig na sapat para sakin
Pag-Ibig na pupuno ng kulang sa puso, sa lilim
Sa lilim ng iyong presensya hindi na aalis
Sa lilim ng iyong kalooban hindi na lilihis

Hesus, ikaw ang tunay na Pag-Ibig
Inialay ang buhay ng hindi nagdalawang isip,
Ibinigay, ang puso mo na hindi nagaalinlangan
Ipinako ka sa krus kasama ng aking mga kasalanan
Inilagay mo sa puso ko ang ideya kung gano ako kahalaga at kung pano mo tinitignan
MinahalĀ  at mamahalin ako kahit makasalanan
Ilang klaseng pag ibig na ang aking naranasan
Pero sayo ko lang naranasan mabuo ng lubusan