“Malamig siguro ng mga panahon na yun, kaya mas pinili nya na manatili ng sandali para magpa-init.”
Paalam. Yan ang salitang hindi ko nasabi ng maayos nung panahon na pinili kong lumisan. Panahon na hindi ako nag-isip at mas sinunod ko kung ano ung nakakapagpasaya at alam kong makakabuti para sakin. Alam ko na sa kabila ng desisyon kong yun ay may isang tao na higit kong masasaktan.
Akala ng lahat madali iwan ang lahat ng alaala. Akala ko rin. Maaaring oo, nakakalimutan ko pansamantala sa mga panahon na ramdam ko ang ligaya. Pero sa tuwing mag-isa na ako, ramdam ko ang talim ng bawat salitang nabasa ko. Masakit pala.
Selfish ako. Ang mahalaga sakin ay ang kaligayahan ko. Naisasantabi ko ang iba. Ang importante sakin, masaya ako. Nakampante ako sa ganon kasi alam kong mahal nya ako. Pero tama nga ang lahat. Hindi sapat na mahal ka lang nya, hindi sapat na alam mong may babalikan ka, kasi sa isang iglap, lahat yun mawawala. Lahat yun magbabago sa isang iglap.
Halos 1 buwan na. 1 buwan kong iniinda ang sakit na bitbit ko sa sarili kong desisyon. Sakit na tanging ako lang ang may alam. Sakit na ako lang ang nakakaintindi. Sakit na ako mismo ang gumawa. Oo, tanga! Yan din ang sinabi ko sa sarili ko. Ang tanga tanga ko. Pero wala naman talagang pagsisisi na nasa unahan. Lagi yan nasa hulihan. Ganon talaga. Ang masasabi mo na lang ay “Life must go on, keep moving”.
Sa 1 buwan kong pag-iisip, hindi ko pinuno ng sama ng loob ang puso ko. Hindi ko itinanim ang galit ko. Hindi ako nanisi. Lahat ng kasalanan, inangkin ko. Totoo naman. Hindi sya nagkulang. Hindi sya nagkulang kaya wala sya dapat pagsisihan. Yun ang paniniwala nya rin. Hindi sya nag kulang. Pero iwan na lang natin sa ganon. Hayaan na lang natin ang paniniwala na iyon. Paniwalain natin ang buong mundo na ako lang talaga ang nagkamali. Okay na ganon na lang.
Ayoko na maghanap ng dahilan para bumalik. Gusto ko na umusad. Gusto ko na tapusin ang lahat. Siguro nga, may mga tao tayong makakasalubong natin. Pagtatagpuin tayo pero hindi talaga itinadhana. Siguro nga, nilalamig lang sya nung mga panahon na yun kaya kinailangan nya tumambay sandali para mainitan. At dahil summer na, kailangan na nya ulit lumisan. Tanggapin na natin na ganon. Tanggapin na natin na hanggang doon na lang.
Sa isang kwentong, dalawa ang laging bida at may magkaibang plot ng istorya. Tatapusin ko na yung pahina na to. Pero hindi ko tatapusin ang pag-asa na isang araw, magiging okay ulit ang lahat. Mawawala na ang sakit at tanging mga alaala na lang ang maiiwan sa puso’t isipan.