Panandalian
Categories Move On

Panandalian

Panandalian

Isang malalim na buntong-hininga para sa mga iniwang mag-isa. Akala mo ay siya na, pinapaasa ka lang pala. Naging dahilan ng iyong mga ngiti, ngunit ito pala ay mali. Akala mo’y seryoso na, akala mo lang pala talaga. Pinatikim ng kaunting tamis na akala mo’y papawi na sa pait ngunit sa isang saglit, ang tamis ay napalitan ng sakit. Maling akala na ikaw na ang magbibigay ng pang-matagalang saya ngunit kagaya ka rin pala ng iba, panandalian lang at wala ring kwenta.

 

Bakit ba dumating ka pa kung aalis rin pala? Bakit ba inihain pa kung mawawala rin pala? Hindi mo alam kung paano napapawi ang lungkot na nadarama sa tuwing kausap ka. Hindi mo alam kung paano mo nagawang pangitiing muli ang puso kong akala ko’y wala na.  Hindi mo alam kung paanong pag-gising ko tuwing umaga, ikaw ang unang naaalala. Bakit nga ba sa iyong mga kilos at salita, ako ay nagpadala? Bakit nga ba sa sandaling ikaw ay dumating, akala ko’y magiging masaya na?

 

Pasensya na. Alam kong hindi ako dapat umasa. Ngunit ang malungkot kong puso ay naghahanap ng kahit na kaunting saya. Pinatikim mo lang pala. Ang tamis ng unang halik sa gabing madilim na tanging huni lamang ng mga insekto ang naririnig, ay mananatili sa aking isip hanggang sa gumuho ang daigdig. Ang iyong mga tingin na wari’y nagsasabing ako’y gusto mo rin, palagi ay maaalala rin. Sa sandaling panahong ikaw ay nakasama, aaminin ko namang ako’y naging masaya.

 

Salamat. Salamat at nakilala kita. Kahit na hindi nagtagal, kahit na panandalian lang ang saya. Muli mong pinaramdam sa akin kung paano maging masaya na tila nakalimutan ko na noon pa. Ngunit hanggang dito na lang yata talaga. Sa mga susunod na hakbang ko’y hindi na kita kasama. Sa susunod na umaga pagmulat ng mga mata’y wala ka na. Tapos na. Tapos na ang mga araw na ako ay masaya. Siguro nga’y dito na nagtatapos ang daang akala ko’y walang hanggan na. Sana sa muli nating pagkikita, masabi kong ako’y masaya na.

 

Paalam. Paalam sa mga alaalang iyong iniwan na hindi ko malilimutan. Naisip ko ring kung ito’y hindi mapupunta sa seryosohan, wala naman akong panahong makipag-gaguhan. Hindi ako laruan na walang nararamdaman. Mas mabuti na nga rin siguro na habang maaga pa, nalaman ko nang ito’y wala nang patutunguhan pa. Akala ko noon ay may ibig sabihin, ngayon alam ko nang ikaw ay hindi magiging akin. Isa nanamang istorya ng naudlot na pag-ibig ang dumating. Nasa dulo na tayo ng daan at ang sunod ay bangin. Siguro nga ika’y hindi talaga para sa akin.

Leave a Reply