Siguro nga pinagtagpo lang tayo ngunit hindi itinadhana. Siguro nga pinagtagpo lang tayo para saktan ang isa’t isa, at siguro nga pinagtagpo tayo para may matutunan ang ating mga sarili.
Ngunit itong aking liham ay hindi liham ng pamamaalam. Ito ay liham ng pag-ibig at pag-asa. Pag-asang, pagtatagpuin tayong muli ng tadhana, pag-asang papanain ulit ni kupido ang ating mga puso, upang ibigin muli natin ang isa’t isa.
Nandito lang ako kung saan mo ako iniwan. Nandito lang ako naghihintay at nagbabakasakali sa iyong pagbabalik. Nandito lang ako, mamahalin at tatanggapin ka ng paulit-ulit.
Kung sakaling walang ikaw na magbalik. Kung sakaling nahanap mo na ang babaeng magkakapagpayapa ng iyong puso’t isipan, kung sakaling higit ang pag-ibig niya kay sa pag-ibig na alay ko sa iyo, tatanggapin ko ito kahit pa ikakadurog ng lubos ng aking puso.
Kung sakaling wala na talagang pangalawang pagkakataon sa ating nasirang pag-iibigan, kahit hindi mo asahan, Ikaw na ang huling lalakeng aalayan ko ng aking buong pagmamahal. Hindi dahil walang papantay o hihigit sa iyo, kundi dahil nasa iyo na ang buong pag-ibig ko, at ikaw na ang pinili kong makasama hanggang sa aking huling paghinga.