Parang Kailan Lang

Nakakatuwang isipin na ang lahat ng nangyari ay parang kailan lang.

Parang kailan lang, ang gulo gulo ng lahat. Walang patutunguhan. Hindi malinaw ang destinasyong pupuntahan. Walang kasiguraduhan sa bawat paghakbang.

Parang kailan lang, ilang beses kong iniiyakan ang nangyari sa nakaraan. Ilang beses na nanghihinayang sa mga ala-alang naging hangin na lang.

Parang kailan lang, ilang beses kong pilit lumaban sa isang laban na alam kong walang kahahantungan. Pilit na lumalaban kahit na ang respeto sa sarili ko’y aking nakalimutan.

Parang kailan lang, ilang beses akong nagmakaawa’t naghabol sa isang bagay na pilit tumatakbo sa kawalan.

Parang kailan lang, hirap na hirap pa akong tanggapin ang sakit dahil sa mga salitang binitawan.

Parang kailan lang, ilang beses kong tinanong ang aking sarili kung ano ang dahilan. Kung bakit ganito?

Parang kailan lang, hindi ko mabilang ang mga luhang pumatak sa aking mga mata.Mga ilang beses din akong humarap sa salamin na punong puno ng pagdududa.
Maganda ba ako? Kamahal mahal ba ako?

Parang kailan lang, nakalimutan ko ang halaga ko. Nakalimutan ko kung sino ako. Akala ko noon, wala akong halaga. Akala ko noon, hindi ko kaya.

Pero lahat ng iyon ay parang kailan lang.
Hindi ko man inasahan ang mga nangyari sa mga nakaraang taon, mas hindi ko naman inasahan ang mga nangyari sa mga sumunod na taon.

Parang kailan lang naghahanap ako ng mga kasagutan ngunit ngayon ay akin nang natagpuan ang dahilan.

Ngayon ay hindi na umiiyak dahil sa sakit ng nakaraan kundi dahil sa pagpapalang Kaniyang inilaan.

Hindi na pilit kinakalimutan dahil kusang naaalis sa isipan ang mga masasamang pangyayaring nagdaan. Ngunit, mananatili pa rin ang aral.

Ngayon, hindi na humaharap sa salamin ng may pagdududa. Dahil nalaman na ang sagot sa mga tanong na Maganda ba ako? Kamahal mahal ba ako? At ang sagot ay oo.

Nakakatuwang isipin na ang lahat ng nangyari ay nagdulot ng mas magandang kahulugan ng buhay. Hindi nga talaga nagkataon ang lahat.

Parang kailan lang, akala ko doon na matatapos ang lahat. Pero iyon lang pala ang simula ng pahina ng bagong aklat.

Parang kailan lang, akala ko hindi ko kaya. Pero, kaya ko pala dahil sa Kaniya.

Kaya ngayon, hindi ko na kailangang paulit ulit na iyakan at panghinayangan ang lahat. Dumarating man sa punto na naaalala ko ang nakaraan, ngunit ngayo’y hindi na sakit ang nararamdaman kundi kagalakan.

Parang kailan lang, nawasak ang puso ko. Ngunit ito ay patuloy na binubuo at dumadaan sa proseso.

Parang kailan lang, nahihiya ako sa maaaring sabihin ng ibang tao na “Kawawa ako”.

Pero ngayon, hindi ko kailangang ikaila na minsan na rin akong sinaktan, pinagpilian at niloko.
Maaring iisipin ng iba na ako ang talo, pero alam ko na dahil sa Kaniya, ako ang panalo. Dahil alam ko na sa piling Niya ay may kalalagyan ako.

Na Hindi ko kailangang maghanap ng pagmamahal sa mundo, dahil sa ginawa pa lang Niya sa krus ng kalbaryo, labis na pagmamahal na inilagay Niya sa puso ko.

Kaya ngayon, ako, nagmahal, nasaktan at patuloy na lumalaban.
At sa kabila ng lahat,
Laging pipiliing magpatawad.
Laging pipiliing magmahal.

– Ate K

Exit mobile version