Pasensya ka na kung pipiliin ko muna ang aking sarili sa mga oras na ito. Pasensya na, dahil ito lang ang nararapat at kailangan kong gawin – ang piliin ang aking sarili noong unti-unti kang tumalikod at lumakad papalayo sa akin.

Pasensya ka na kung may mga bagay akong nasabing nakasakit sa iyong damdamin. Alam kong masyado akong nadala ng aking emosyon kaya’t hindi ko naisip na maari kang masaktan sa mga salitang aking nabitawan. Ngunit, alam mo bang nasaktan din ako sa iyong pananahimik?

Pasensya ka na kung masyado akong nanghingi ng iyong oras. Nakalimutan kong mayroon ka ring sariling buhay na maaring magpatuloy kahit wala ako. Pasensya na kung patuloy akong nanghihimasok sa iyong mundo kahit alam kong wala namang espasyo rito para sa akin.

Pasensya ka na sa napakarami kong katanungan dahil wari ko ay naguguluhan ka na sa mga ito. Ngunit, alam mo bang mas naguguluhan ako sa mga kinikilos mo’t sinasabi dahil naghahatid ito ng ibat’-ibang senyales sa akin – na baka sakaling pwede pala, na baka pareho pala tayo ng nararamdaman.

Pasensya ka na kung pilit kong sinisisi ang tadhana kung bakit ang mga oras natin ay hindi magtugma-tugma. Alam kong hindi naman nito kasalanan kung bakit hindi mo kayang tumbasan ang pag-ibig ko para sa iyo, gayundin ay hindi mo rin kasalanan kung hindi mo ako kayang mahalin. Siguro, kasalanan ko dahil masyado lang kitang minahal.

Pasensya ka na kung sobrang minahal kita. Sumugal ako sayo kahit sa umpisa pa lamang ay talo na ako. Sa mundong walang kasiguraduhan, siguradong-sigurado naman ako sa nararamdaman ko para sa iyo kung kaya’t paulit-ulit kitang pinipili ng walang halong pag-aalinlangan.

Pasensya ka na kung ang katumbas ng pagmamahal ko sa iyo ay ang hayaan kang umalis. Hindi kita pipigilan at mas lalong hindi ako magmamakaawa. Sapagkat ang tunay na pagmamahal ay mapagpalaya, kaya’t kusang-loob kitang papalayain dahil hangad ko ay tunay na kaligayahan para sa iyo.

Gayunpaman, pasensya ka na kung sa iyong paglayag ay patuloy pa rin kitang mamahalin.

Pasensya ka na, aking pinakamamahal…