Plot Twist
Categories Adulting

Plot Twist

Plot Twist. Sa lahat ng kuwento mapa-nobela, pelikula o drama man sa telebisyon isa ito sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng buhay ang kuwento. Para bang ito ang natatanging sangkap sa isang lutuin na nagiging dahilan kung bakit espesyal o kakaiba ito. Ito ang dahilan kung bakit nagiging kapanapanabik ang takbo ng isang kuwento. Plot Twist, ito ang sangkap ng mga kuwento na hindi ko maiwasang hanapin sa takbo ng buhay ko.

Nagtataka ako. Pakiramdan ko paulit-ulit lang ang takbo ng buhay ko. Gigising, magtatrabaho, manonood ng kdrama, magbababad sa Facebook, Twitter, Instagram o sa YouTube, gagawa ng gawaing bahay ata kung ano-ano pa hanggang sa matapos ang araw at muling dapuan ng antok, hanggang muling matutulog. Hindi ko maintindihan, pero alam ko deep down na mayroong kulang. May emptiness. Ang drama hindi ba? Mataas naman ang pananalig ko sa Panginoon, ‘di man ako pala-simba at palabasa ng bibliya, naniniwala pa rin ako na nariyan Siya, na may plano Siya. Darating din ang Plot Twist ng buhay ko. Sa pag-ibig, sa karera, sa pamilya, sa mga kaibigan at sa sarili ko man. Alam ko at naniniwala ako na darating ito. Pero minsan, umaabot din ako sa puntong kinikwestyon ko ang paniniwala ko. Baka naman pala ay pinaniniwala ko lang ang sarili ko. Baka wala talagang plot twist na darating, kasi baka… baka ako talaga ang may problema? Baka ako ang may pagkukulang? Baka ako ang hindi gumagawa ng hakbang para maranasan ang Plot Twist na hinihintay ko dahil takot ako, takot ako na mag-take ng risk dahil ayaw kong iwan ang comfort zone ko. Sa katotohanan niyan, alam ko naman. Alam ko naman na kaya walang nagbabago sa buhay ko, ay dahil sa takot ko. Baka hindi ko kayang harapin ang consequences ng mga pipiliin kong desisyon.

Sa pag-ibig hindi ko maiwasan ang ganitong senaryo: “Paano kung may higit pa pala na darating? Paano kung hindi ako sapat sa kaniya? Paano kung hindi totoo ang nararamdaman ko? Paano kung hindi siya seryoso? Paano kung sa simula lang pala maganda ang takbo ng aming kuwento?” Hanggang sa aayaw ako, o aayawan na lamang ako.
Sa karera: “Paano kung hindi ko kaya? Paano kung hanggang dito lang talaga ang kaya ko? Baka hindi ko kayang tapatan si ganito o si ganiyan.”
Sa pamilya: “Bakit parang ako na lang ang laging kailangang umintindi? Bakit ako ang kailangang magbigay? Bakit ako ang lagi na lang na dapat asahan? Bakit pakiramdam ko pasan ko lahat ng responsibilidad?”
Sa kaibigan: “Totoo pa kaya sila sa akin? O di naman kaya ay nagiging totoo pa ba ako sa kanila? Bakit hindi ko maiwasan na ikumpara kung minsan kung gaano na kalayo ang nararating nila?”
Sa sarili: “Nakakapagod na, pero puwede bang huminto? Puwede bang magpahinga o ‘di naman kaya ay sumuko? Paano ko ba matutupad ang mga pangarap ko? Kailan ko malayang magagawa ang mga gusto ko? Kailan ko mauuna ang sarili ko? Lagi na lang ako. Lagi na lang. Nakakapagod. Pagod na pagod na ako.

Pero sabi nga ng iba, huwag itong hanapin dahil kusa itong darating. Kapag handa na ako at kapag nasa tamang oras na makikita at makikita ko ito dahil may kaniya-kaniyang timeline ang buhay ng tao. Baka naman bukas, handa na ako at may lakas ng loob na ako na mag-take ng risk at iwan ang comfort zone ko. Baka bukas, darating na ang Plot Twist ng buhay ko.

Leave a Reply