Pwede Pa Bang Ibalik?
Categories Relationships

Pwede Pa Bang Ibalik?

Nagsimula sa tuksuhan, nauwi sa may nasaktan. Ganyang-ganyan tayo. Natukso sa isa’t-isa, naging magkaibigan, nagkagusto ako, hanggang sa naiwan. Ang sarap balikan ng mga panahong masaya tayong dalawa. Kakain, tapos tatambay. Nakaupo lang sa tabi ng isa’t-isa kahit wala naman tayong pinag-uusapan. Pakiramdam ko kasi, I find peace kapag ka nandyan ka. Napapagaan mo ang loob ko, at saka pakiramdam ko, napapagaan ko din ang loob mo. Lalo na sa tuwing nawawalan ka ng kumpyansa sa sarili mo.

Ang saya-saya ko sa tuwing sinasabi mong, “Salamat, kasi nandyan ka.” Pakiramdam ko kasi, ang laki ng role ko sa buhay mo. Hinahanap mo ako tuwing malungkot ka, nakikinig ka sa mga payo ko, napapangiti kita, at napapakita mo saakin yung totoong ikaw. Sabi mo din, “Alam mo, pag nandyan ka, napapakita ko yung totoong ako.” Kasi takot ka na ipakita yung totoong ikaw sa ibang tao. Pakiramdam mo kasi, hindi ka nila magugustuhan. Palagi kang naka best foot forward, nag aadjust sa mga gusto ng mga tao sa paligid mo, kaya palaging ang bigat ng pakiramdam mo. Pero sabi mo din kasi na pag nandyan ako, gumagaan ang bigat na nararamdaman mo.

At dahil doon, akala ko pwedeng maging tayo. Naghangad ko ng higit pa. I demanded more of you. Mas hinahanap na kita kaysa sa mas hinahanap mo ako. Gusto ko palagi tayong magkasama, magkausap, magkakwentuhan. Gusto ko palagi mo akong kinukwentuhan ng araw mo, ng mga nangyayari sa buhay mo. Gusto ko pag malungkot ka, nandyan lang ako sa tabi mo, o kaya kahit hindi ka malungkot, gusto ko nasa tabi pa rin kita. Pag may sakit ka, gusto kong alagaan ka. Kamustahin palagi ang nararadaman mo. Gusto ko nagsasabi ka sa tuwing kakain ka na, o kaya naman kung gising ka na, kung aalis ka, kung sino mga kasama mo, kung anong ginagawa mo, kung matutulog ka na. Lahat. Sa madaling sabi, I crossed the line. I crossed all the lines. Naghangad ako ng sobra-sobra at pinilit kitang magbigay pa ng higit sa kaya mong ibigay. Masyadong akong naging madamot pagdating sayo, na tipong pag may iba kang kasama, nagtatampo ako. Na pag hindi ka nagreply sa mga messages ko, kinukonpronta kita. Na pag hindi ka nagkukwento ng araw mo, ako ‘tong nangungulit ka magkwento ka.

Pinili kong sabihin sayo yung nararamdaman ko. Dala-dala yung pag-asang parehas tayo ng nararamdaman. Pero, nagkamali ako. Kasi, nagbago ka. Lumayo ang loob mo, at dahan-dahan mong nilalakihan ang distanya mo. Sumama yung loob ko sayo. Nagtampo ako, hindi, nagalit pala ako. Nagalit ako dahil pinaasa mo ako. Hindi na kita kinausap, hanggang sa hindi na talaga tayo nag-usap. Pero unti-unti ko ding narerealize na hindi mo pala ako pinaasa. Ako ‘tong umasa na baka pwedeng maging tayo. Kung babalikan ko ang lahat, sana siguro nagtiis nalang ako. Sana siguro hindi nalang ako naghangad ng higit pa sayo. Sana siguro nakuntento na ako sa friendship na ibinibigay mo. Sana siguro, masaya pa tayo. Pwede pa bang ibalik?