“Room for Rent”
Categories Poetry

“Room for Rent”

“Room for Rent”

Mga kending naka-garapon
Biscuit wrapper na naka-kahon
Sticky notes na nakasiksik sa mga bulsa ng pantalon
Mga tinuping pahina ng mga kanta
Katabi ng videoke machine at microphone

Mga tasa ng kape na lumamig sa taas ng mesa
Mga reminders na nakadikit sa kanto nito
Sabi: “mahal, magandang umaga”
Cupcakes na nilanggam na lang
Mga baso ng tubig na nasayang

Unan at kumot na ‘di na natupi
Mga tsinelas at sapatos na nagkalat sa tabi
Toothbrush na nanilaw na at inagiw na
Mga gusot ng tela sa gilid ng kama
Napabayaang mga pinggan na inumaga

Pintong matagal nang nakabukas
Mga bintanang ang siwang ay matatanaw mo sa labas
Lampshades na aandap-andap
Mga bukas na drawers at naka-angat
Flower vase sa kanto na hindi na nalipat

Photo frame na matagal nang nakataob
Relong tumigil na at nasira ang loob
Salaming nabasa na nang purong ulan
Cabinet na halos wala nang laman
Mga hanger na bali-bali na ang katawan

Habang nakaupo, inalala ko ang lahat
Sabay hawi sa buhok, sa araw nakatapat
Alak imbes na kape ang pilit kong hinahalo ng kutsara
Paunti-unti habang bumubulong ng kanta
Pinapagpag ang alikabok sa magkabilang paa

Baso ng kape na halos nilamig na sa taas ng lamesa
Mga sticky notes sa mga kanto ng bintana
Dahan-dahan kong ibinaling sa sulok ang tingin ko
Ayaw kong kalimutan ang lahat ng bagay patungkol sa’yo
Pero pinilit mo nang lumabas ng pinto, ‘yan ang totoo

Memoryado ko pa ng sampung beses ang huni ng mga ibon
Nasa akin pa rin ang mga kendi sa garapon

 

#Photo Credit: Google on Display

#Park En Stack Er
#BoilingPoint