Hinanap, natagpuan.
Nagkakilala, nagkapalagayan.
Masaya sa una. Sa una lang pala.
Bakit unti-unting naglaho ang nakasanayan na?
Bakit palagi na lang nauudlot ang nasimulan na?
Bakit pinili nilang mawala ngunit biglang bumabalik?
Bakit sa huli na nila napagtanto kung kailan may nasaktan na?
Bakit hindi maipagpatuloy ang nasimulan?
Bakit naging duwag ang sa una’y matapang?
Hindi na kita hahanapin pang muli.
Sapagkat ang hinahanap ay mailap.
Sapagkat ang hinahanap ay madalas hindi nagpapakita.
Hindi na rin kita hihintayin.
Ako’y tutungo na.
Maglalakbay sa buhay nang mag-isa, kagaya ng nakagawian.
Nagawa ko na noong una, magagawa kong muli.
Ang dating panalangin, ay panalangin pa rin.
Mga pagkakataon na hindi kontrolado, ipapaubaya ko na.
Ngunit patuloy pa ring maniniwala sa walang kasiguraduhan.
Patuloy na maniniwala sa inaasam-asam.
Sana sa muli mong pagbisita, manatili ka na.
Sana sa muling mong pagdating, makilala mo ako at makilala rin kita.
Sana, sa muli, ikaw na talaga.