Maraming mga bagay ang nag-udyok sakin para mangibang bansa. Ang para makatulong sa pamilya, para matupad ang mga pangarap at higit sa lahat ang mga salita mong “baguhin mo muna ang sarili mo” — dahilan para magdesisyong lumisan at tanggapin ang hamon upang magbago.
Halos dalawang taon na rin ang nakakalipas magmula nung huli tayong mag-usap ng personal. Naaalala mo pa ba kung paano tayo nagkakilala? Sa isang event ng simbahan, February 13, 2016. Unang kita ko sa’yo nagustuhan na kita, di ko rin alam kung paano at bakit. Hanggang sa nagkakilala na tayo, nagkausap, nagka-chat, at nagkatext-an. Naalala mo rin ba kung paano kita sinusundo sa paaralan na pinagtatrabahuan mo kung saan katrabaho mo ang Mama ko at estudyante mo ang pinsan ko? Kung paano kita ihatid pauwi sainyo bitbit ang maraming papel na kailangan mong iuwi at markahan? Kung paano mo ko pinabili ng pagkaing gusto mo, at higit sa lahat kung paano ako bumili ng “pasador” dahil kailangan na kailangan mo. Aaminin ko, nahihiya ako nung bilhin ko iyon, pero ginawa ko pa rin para sa’yo. Lahat yun sariwa pa rin sa isip ko. Hanggang sa dumating yung pagkakataong muli tayong nag-usap, gusto kitang ligawan pero “rejection” ang inabot ko. Dahil sinabi mong marami ka pang pangarap at gustong gawin sa buhay. Sa pagkakataong iyon, halos mawalan ako ng pag-asa na isiping maging “tayo” lalo na nang sambitin mo ang mga salitang “baguhin mo muna ang sarili mo”. Magkahalong lungkot at kaba yung naramdaman ko ng mga oras na iyon. Agad akong ang nag-isip at nagtanong sa sarili kung bakit at paano. Hanggang sa dumating ang oras na kailangan ko ng magdesisyon para sa pamilya at higit sa lahat para sa pagbabago na gusto mong makita sakin, para sa’yo.
Oo para sa’yo! Para sa’yo itong desisyon na ginawa ko dahil sa pagmamahal ko sa’yo. Pinilit kong makapunta ng ibang bansa at magtiis sa pagbabakasakaling makita mo yung “effort” ko, at baka pag nabago ko na ang sarili ko, baka magustuhan mo rin ako. Sana lang, pag nakita mo na may pagbabago kahit papaano, magustuhan mo na ako. Sana lang, pag nakita mo nang binabago ko na pananaw ko sa buhay, magustuhan mo na ako. At higit sa lahat, sana lang kapag minahal ko na sarili ko, sana mahalin mo na rin ako. Sana lang hindi ito isang “sana lang”, kasi hanggang ngayon ikaw pa rin ang nasa isip ko, ang pangarap kong pakasalan. Pagbalik ko ng Pilipinas, ikaw pa rin ang gusto kong makasama.
Alam ko na hindi ako yung tipo ng taong magugustuhan mo. Hindi ako yung “jowable” gaya ng mga nagkakagusto sa’yo. Kaya hanggang ngayon, tinitiis at kinakaya ko pa rin dahil naniniwala akong sa huli, may kapalit ang lahat ng ito.
Sa ngayon alam kong masaya kang kasama sya kahit alam kong wala pa namang “kayo”. Kita sa mga ngiti mo yung sayang nararamdaman mo. Pero gusto ko lang malaman mo na hanggang ngayon, umaasa pa rin ako na magugustuhan mo ko, na mamahalin mo ko. Kung paano ko binago ang sarili ko, sana tanggapin mo ako bilang bagong ako. Hanggang ngayon, pinanghahawakan ko pa rin yung mga salitang sinabi mo noon na “baguhin mo ang sarili mo para sa chance na hinihingi mo”. Sa kabila ng lahat ng nangyayari ngayon, naniniwala pa rin ako sa pagkakataong ibibigay mo. Pinilit kong magbago, dahil sa pagmamahal ko sa’yo. Sana lang hindi ko binago ang sarili ko para lang sa wala at sana lang maging “worth it” ang pagbabagong pinilit kong gawin sa ngalan ng pag-ibig.