Current Article:

Sa pagitan ng Mahal kita,pero tama na.

Sa pagitan ng Mahal kita,pero tama na.
Categories Poetry

Sa pagitan ng Mahal kita,pero tama na.

Lahat ng tao, nagmamahal, nasasaktan, nag move on, nagmahal ulit, paulit-ulit, paikot-ikot.

Tila walang kapaguran, walang katapusan…

Mahal kailangan ko na bang tumigil? Pipigilan ko na ba ang puso kong tila hanggang ngayon ikaw pa rin.

Ikaw pa rin hanggang ngayon, mula sa pagtulog ko, pagising maging sa aking pagkain hindi ka mawala wala sa isipan ko,

Na para bang sayo na umiikot ang mundo ko.

Ikaw ang hangin na aking nilalanghap, ikaw ang tubig na pumapawi sa aking uhaw.

Ikaw ang pwersa sa mundo ko upang gumalaw. Ngunit mahal ikaw rin pala ang magiging dahilan kung bakit mundo ko’y unti-unti nang gumugunaw.

Ang layo mo na sa sakin, hindi ko na alam kung ako’y mahal mo pa ba o nasa iba ka na naka tingin.

O baka naman ilusyon ko lang lahat nang ito? Ay oo nga pala wala palang tayo.

Kaya pala sa larong ito ako ang dihado.

Mahal, pwede mo bang sabihin na mahal mo rin ako?

O sadyang wala na akong lugar dyan sa mundo mo?

Magpasa hanggang ngayon, mukha mo’y naaninag ko parin,

Ang naniningkit mong mga mata kung tumatawa, ang kantyawan ng mga kaibigan mo tuwing tayo’y nagkikita

Tila musika sa aking mga tenga.

 

Alam kong mali, mali na ito, lumalagpas na ako sa aking limitasyon,

Mali na pairalin pa itong imahinasyon

Mali na lumagpas ako sa salitang mag kaibigan lang tayo.

Mahal, ang hirap pala, mahirap pa lang habulin ka,

Tumatakbo, ngunit hindi ko alam kung saan ako tutungo.

Ang hahabulin ka pa ba o titigil na.

Magpapatuloy pa bang tatakbo papalapit sayo o susubukang lumayo na.

 

Ilang beses ko ba dapat sabihin, patunayan, ipagsiksikan ang sarili ko sa mundo na wala akong espasyo?

Hanggang kailan ako maghihintay na masabi mong mahal kita matagal na,

Mukhang mabubuwang na ako sa kakaisip kung paano tapusin ang nasimulan, kung paano lagyan ng katapusan ang kwetong ito.

Kwento na walang ikaw at ako, walang tayo.

Panahon na siguro upang mag pahinga, hahayaan na lang kitang tumakbo palayo sa akin, papunta sa iba.

Ako na lang ang babagtas ng sariling kong daan.

At hindi na ikaw ang patutunguhan.

Mahal kita, pero tama na,

Tama na sapagkat pagod na pagod nang tumibok itong puso ko na pangalan mo lang laging sinisigaw nito.

Nakakapagod ng mag habol sa tila karerang pag-ibig na ako lang ang matatalo.