Current Article:

SA UNA AT HULI KONG IIBIGIN Ni: LEON SANTIAGO

SA UNA AT HULI KONG IIBIGIN Ni: LEON SANTIAGO
Categories Relationships

SA UNA AT HULI KONG IIBIGIN Ni: LEON SANTIAGO

Marami nang nauna
Oo, marami nang sumubok mamalagi sa puso ko
Nabihag sa kamandag ng mga salitang sintamis ng sorbetes sa gitna ng tag-init
Natunaw, naglaho
Hindi kinaya ang taas ng temperatura sa loob kaya’t kinailangan munang magtago
Piniling humanap ng ibang kanlungan
At ako
Naging bakanteng lote sa gitna ng damuhan
Naging masukal ang daan patungo sa pusong nawalan
At sa mahabang panaho’y naranasan ang tagtuyo, hindi kailanman inulan
Naghintay, nagsulat, pinilit makausad at sa awa ng Maykapal namuhay akong matiwasay
Noon winika ko, hindi ko kailangan ng kung sinuman upang punan ang nawawalang piraso sa buo kong pagkatao
Isinirado ang pinto ngunit hindi ko ikinandado
Sinubukang papasukin ang mga bisitang hangad lang ay makaambag
Ng kaunting ngiti, galak, at pagpapayo
Nakinig ako sa maraming payo
At nanalangin na sana, balang araw, kung magkita man tayo
Ngingiti ako at sasabihing, hindi man ikaw ang babae sa panaginip ko
Nakatitiyak naman akong ikaw ang tinitibok ng puso ko
At ikaw ang bunga ng lahat ng dasal na iginugol ko habang hinihintay ka
At ngayon, dumating ka
Dumating ka tulad ng hamog sa umaga
Malayang dumarampi sa tuyong mga dahon
Nagtampisaw ako sa iyong mga alon
At sa unang pagkakataon, sa mahabang panahon, sasamahan kita patungo sa masukal na daan tungo sa pusong nawalan
Na ngayon ay napunan
Inulan ng pag-ibig na walang hanggan
Pangako, ilang hamon man ang sumubok sa atin
Lumamig man ang simoy ng hangin
Ikaw ang una at huli kong iibigin
At sana, sayo, ako rin.