Sa’yo Magmumula ang Lahat
Categories Poetry

Sa’yo Magmumula ang Lahat

Bangon na!
Gumising sa dilim ng kahapon.
Imulat ang puso’t isipan na sa pagkakataong ito’y Ikaw naman ang piliin.
Isang panibagong Ikaw.
May tibay, may lakas, may pag-asa at pagmamahal sa sariling handang harapin ang panibagong simula.

Ano mang sugat ay panandalian.
Oras ang huhugas at hihilom.
At kung mag-iwan man ng pilat,
Huwag mabahala dahil Ito’y magpapaalala kung gaano ka naging matibay at malakas sa kabila ng lahat ng sakit at kirot na iyong pinagdaanan mula sa kahapon.

Ang buhay ay nag-iisang handog sa tulad mong katangi-tangi at minamahal.
Kaya’t bihisan ng panibagong pangarap.
Hagkan ng respeto at purong pagmamahal.
Punuin ng tunay na tuwang nagmumula sa ikabuturan ng iyong damdamin at
baunan ng taimtim na panalangin.

Dalhin ang mga natutunang aral.
Bitawan ang mga dapat bitawan.
Iwan ang mga dapat iwan.
Ang mga bigat ng saloobing
magpapagaan sa iyong mga dinadala.
Isantabi at tuluyang kalimutan ang mga tao, bagay at alaalang sadyang humihila at nagbabalik sayo sa higaan ng kalungkutan.

Sa muling paghakbang,
Huwag mabahala at matakot.
Isaalang-alang na ang paligid ay sadyang mapanlinlang; may pagpapanggap at panghuhusga.
At maniwalang may mabubuting kaloobang patuloy na naniniwala at nagmamahal sayo.
Gamitin ang isip at lakas upang
maprotektahan ang damdamin.
Hindi dito magtatapos ang lahat.
Isaisip na ito lamang ay pagtatapos ng isang kabanata sa
pagbubukas ng pinto sa bagong yugtong tatahakin.

Ito ay tungkol sa iyong sariling kwento.
Ikaw ang may akda, nasa iyo ang magiging daloy ng istorya.
Ikaw ang bubuo sa iyong hinaharap.
Hindi sya, hindi sila.
Sa‘yo magmumula ang lahat.
Ang pag-ngiti, ang saya, ang galak, ang muling paghalakhak.
Pati ang desisyon ng pag-tigil, pagbangon at pag-usad ay nasa iyong pagpapasya.
Nasa iyo ang pagsisimula ng magiging huli at katapusan.

Tuloy lang!
Usad!
Huwag huminto,
Paunti-unti makakaahon, makakabangon.
Dahil ang mundo’y hinding hindi titigil sa pag-ikot para bigyan ka ng panibagong sigla, lakas, pag-asa at pagkakataon.

-Kuya So 💕