Simplehan Lang Natin
Categories Contribution

Simplehan Lang Natin

Inaamin ko, mahilig akong magbasa ng mga talakayan tungkol sa pag-ibig. Gusto ko kasing maintindihan. Gustong kong malaman kung papaanong hindi masaktan kung ang hangarin mo lang naman talaga ay magmahal. Gusto ko na kapag muli akong sumubok, alam ko na. Hindi na ako magkakamali.

Naranasan kong pareho ang pagkakaroon ng isang seryoso at totoong relasyon, at isang mabilisang relasyon. Oo, tama ang nabasa nyo, pabaliktad nga- mas nauna ang seryoso bago ang experimento. Akala ko kasi, baka makuha sa “random pick” eka nga ang pagpili ng makakasama sa buhay. Mali. Kaya nga sinabi ko sa sarili ko na sa susunod, hindi man ako sigurado kung iyon na nga ba ang huli, pero sisiguraduhin ko na mas magiging maingat na ako at wala akong pagsisisihan.

Sa patuloy kong pagbabasa ng patungkol sa relasyon, napapatanong lang ako. Parang napakasimple lang sana eh. Bakit kailangan pang magpahirapan ang magkarelasyon kung talagang mahal naman nila ang isa’t isa? May gusto ang isa na ayaw ng isa, hindi ba pwedeng pag-usapan? Hindi ba pwedeng pareho silang mag adjust? Hindi naman sana kailangang tuluyang baguhin ng isa ang buong pagkatao nya, eh.

Ang sa akin lang, nadala na ako. Bakit patatagalin ang isang bagay kung pareho rin lang kayo ng direksyon na gustong tunguhan?

Bakit hindi natin simplehan? Paiksihin ang argumento. Magpatuloy kung gusto. Tapusin kung hindi, upang hindi mag-aksaya ng oras. Harapin ang takot. Kung mahal mo, magfocus ka sa konsepto ng pagmamahal. Dahil oras na umusbong ang argumento at hindi ito natapos ng isang araw dahil lang may gusto ka na hindi mo makita o makuha sa kanya, magtanong ka na sa sarili mo. Magdesisyon ng mabilis. Hindi ka pa hinog para magmahal. Simplehan uli natin, ang pag-ibig handang magpaubaya at umunawa.

Mas simple, mas maayos, mas maganda at mas masaya.