SUNTOK SA BUWAN
Tila napakagandang pagmasdan
Mga bituin at ang buwan
Na sa kabila ng dilim ng kalangitan
Ito’y patuloy na nagbibigay ng kaliwanagan.
Liwanag na magpapadama sayo
Liwanag na magpapa-alala sayo
Na kahit na sobrang hirap na ng pinagdaanan mo
May liwanag pa din na naghihintay sa dulo.
Ganitong ganito ang aking naramdaman
Noong ika’y unang masilayan
At dahil sa tuwing ika’y aking pinagmamasdan
Pakiramdam ko’y laging gumagaan
Naalala ko pa, noong una kitang makita.
Kakaibang saya ang aking nadama
Yung para bang matagal na kitang kilala
Na para bang sa puso ko’y, matagal ka ng nakatira
At sa paglipas ng panahon
Sa bawat mahirap na sitwasyon
Ikaw ang aking naging inspirasyon
Isang biyayang nagmula sa Panginoon.
Ano pa nga bang dapat na gawin ko?
Upang ako ay mapansin mo
Sa dami ng nagkakagusto at nagmamahal sayo
Mayroon pa kayang laban ang isang tulad ko?
Hanggang ngayon ay umaasa
Hanggang ngayon ay naghihintay na sana..
Na sana dumating ang isang umaga
Umaga na pag gising mo, ako na ang iyong nais na makasama.
Sana. Sana. Sana talaga.
Sana ako ay magising na sa katotohanan.
Katotohanan na kahit kailanman ay di ko siya kayang pantayan.
Katotohanan na simula pa lang ay wala na kong laban.
Dahil sa simula pa lang naman ay iba na ang nilalaman.
Nilalaman ng puso mong walang ibang sinisigaw kundi ang kanyang pangalan.
Katotohanan na makapiling ka’y, isang suntok sa buwan.