Mahal, pagmasdan mo
ang bahaghari.
Matapos ang ula’y siya naman nitong pagdungaw sa ating mga ngiti.
Anong saya nating dalawa
sa paghahalo ng mga kulay
ng pag-ibig sa ating mga mata.
Kung may sigurado man sa mundong ito,
pag-ibig natin ang mananaig, pangakong hindi bibitawan ang mga kamay ng “ikaw at ako”
Mahal, pakinggan mo
ang hampas ng alon.
Wala kang maririnig na dagundong
ng pagtutol, taglay lamang ay musika.
At ang musika na ito
ang siya ring magdadala
sa atin ng makulay na pag-ibig
na sa huli ay mananaig pa rin,
sinuman ang magtangkang
maghalo ng kanilang kulay
na malabnaw, na mapagkutyang
mga mata lamang ang matatanaw.
Mahal, hagkan mo ako’t huwag nang bitawan ang hawak mo sa aking kamay
hanggang sa ating pag-uwi.
Tipunin at baunin natin ang mga bituin sa kalangitan kalakip
ang ating mga ngiti, atin itong isasalubong.
Nang sa ating pag-uwi, ang tahanan
na magiging kanlungan
ay bukas-palad na tatanggap
at magmamahal sa atin
anuman ang ating kasarian.