Mayroon kaming lumang aparador na gamit pa nila papa noong nabubuhay pa ang lola’t lolo. Basag na ang mga salamin ng aparador na yoon dahil sa kalumaan at katandaan. Umiingit na nga kapag bubuksan.
Madalas akong maiwan sa bahay noong elementary pa lang ako. Hapon lang lagi ang pasok ko noon, lumuluwas si papa sa Taguig para sa magtrabaho at si mama naman ay nag-oopisina sa munisipyo dito sa aming bayan.
Alam kong nag-iipit ng mumunting halaga si mama sa iba’t-ibang parte sa bahay namin noon. Para kung sakaling walang maiwang pagkain para sa akin noon ay may makukuha akong pera. Di pa nila ako noon binibigyan ng perang pambaon. Madalas ay isa o dalawang monay na malalaki at isang bote na may tinimplang juice ang binabaon ko sa eskuwelahan.
Minsan ako’y dinapuan ng gutom noong ako ay nasa grade 1 or 2. Wala akong pasok dahil may aattendang meeting ang mga guro ko noon kaya’t mag-isa lamang ako sa bahay. Naghanap ako ng pera na pwede kong maipambili ng biscuit at sakto, may nakita akong sampung pisong papel sa kaila-ilaliman ng mga damit sa lumang aparador sa kwarto.
Sa katuwaan ay mabilisan kong hinigit ang perang papel at may sumamang maliit na puting sobre na nalaglag sa semento. May mga sulat na ipinapakita si mama noon sa akin. Mga palitan ng love letters nila ni papa. Dahil sa aking kuryosidad, tinignan ko ang loob ng sobre. Di pa ako ako ganoon kahusay magbasa kaya pinagsasanayan ko dati basahin ang mga palitan nila ng sulat maliban sa aking mga libro.
Pagbukas ko ng sobre ay bumugad sa akin ang isang litratong pinagtagpi-tagpi na may isang babae na may bitbit na sanggol, isang close-up na litrato nung mismong sanggol at tila ginupit na litrato ni papa. Sabay sa nakasulat na “Happy Father’s Day, Papa”.
Sa aking pagtataka ay napatanong ako, “Bakit nandito ang picture ni papa?”, “Bakit Happy Father’s Day, Papa?”, “Bakit papa ang nakasulat eh papa ko yung nasa picture?”, “Sino yung babae? Di naman si mama yon”, “Sino yung baby?”.
Wala akong pinagbanggitan ng nakita ko maski ako’y punung-puno ng katanunganat muli kong binalik sa sobre ang litrato at di na muling binalikan pa ng mahabang panahon.
Lumipas ang mga taon at unti-unti akong namumulat sa totoong kalagayan ng pamilya namin. Hindi pala kami Perfect Family tulad ng nilalagay ko sa aking mga assignments basta usapang pamilya. Madalas nag-aaway sila papa at mama sa di ko na matandaang dahilan. Ang naaalala ko na lang ay puro sigawan ang naririnig ko at nagkukulong na lamang ako sa kwarto. Hindi pa rin nila sa akin sinasabi ang tungkol sa kabit at bastardo ni papa.
Nakunan si mama ng 2 beses bago maipanganak ang pangalawa at bunso kong kapatid; isang babae at isang lalaki. Noon ay akala ko dahil hindi lamang malusog si mama kaya nabibitaw ang dapat sana’y mga kapatid ko na, na nabigyan ko na ng mga palayaw, yun pala ay dahil sa sama ng loob ni mama dahil sa nalaman niyang hindi pala naputol ang pakikipag-ugnayan ni papa sa babae niya.
Sa NCR talaga kami nakatira noon at lumipat lang kami ng probinsya bago ako magsimulang mag-aral. Akala ko noo’y dahil mas magiging maginhawa ang buhay namin dito kaya kami dito tumira yoon pala’y dahil inilayo niya kami sa kabit niya at sa kanyang bastardo, na patuloy niyang kinakasama sa mga panahong akala nami’y naghahanapbuhay siya para sa amin.
Tumuntong ako ng kolehiyo at kumuha ng isang kursong hindi ko naman talaga gusto pero gusto ni mama. Ginawa ko naman ang lahat pero di ko rin talaga kinaya dahil wala ang interes ko doon. Isa pa, muli kong nakita ang litrato at patuloy na bumabagabag sa akin kaya’t hindi ako nakapagtuon ng maayos sa aking pag-aaral ngunit hindi naman ako bumabagsak. Hindi lang ako satisfied sa nakukuha kong marka dahil simula bata pa lang ako, hinulma na ako na kailangang maging maganda ang grado dahil katumbas noon ay pagiging isang mabuting anak. Yoon ang tumatak sa aking isipan.
“Matanda na ako. Hindi pa rin sila umaamin.” ani ko sa aking sarili. Kinimkim ko lahat ng ng saloobin ko sa takot kong ako pa ang maging dahilan ng pag-aaway nila. “Paano kung maghiwalay sila dahil nangealam ako?”. “Paano kung hindi pala alam ni mama?”. “Paano kung mali ang hinala ko?”. Iniisip ko rin ang mararamdaman ng dalawa ko pang nakababatang kapatid. Ayokong maranasan nila yung lungkot na mayroon ako, na dinala ko mula pagkabata. Baka di nila kayanin. Okay na kung ako na lang.
Sa kadahilanang yaan ay aking napagpasyahang magpalit ng kurso. Nang ako ay tanungin ni mama ng kung ano ang dahilan ay dali-dali kong binuksan ang lumang aparador at kinuha ang puting sobre.
“Mama ano po ito? Bakit may baby? Bakit papa din nakasulat? Bakit may babae? Sino po ba yan? Nakita ko po ulit yan nitong last sem, ano po ba yan? Hindi ko maintindihan. Palagi yaang gumugulo sa utak ko mama” sabi ko habang umiiyak.
Tinawag ni mama si papa at inexplain ni papa. Hindi naman na raw mauulit. At dito naman siya sa amin umuuwi. Kami raw ang pinili niyang makasama at hindi yung kabila. Simula noon ay nawalan na ako ng amor kay papa. Hindi ko na kayang ibalik yung tiwala. Pakiramdam ko hindi kami sapat ni mama at ng dalawa ko pang kapatid. Bakit naghanap siya ng iba? Nag-aaral naman kaming mabuti. Sumusunod sa kanila. Hindi kami sumasama sa pariwarang barkada. Wala kaming bisyo. Ni hindi nga ako nagmumura man lang.
3rd year college ako noon ng maipasa ko ang Civil Service Exam. Masaya akong habang papauwi dala ang aking certificate. Gusto kasi talaga ni mama na maipasa ko yon kaya pinagbutihan ko.
Pagdating ko sa bahay ay sobra-sobra ang iyak ni mama. Yoon pala ay napag-alaman niyang 3 na pala ang bastardo ni papa. Sobrang sama ng loob ko noon dahil noong mga nakaraang linggo bago magkaalaman ay pinagbibintangan ni papa na may kabit si mama maski wala naman. Yun naman pala ay kasabwat pa ni papa ang mga barkada niya, na mga ninong pa ng bunso kong kapatid, ang kalokohan niya at sa pagtatago nito. Kaya mas lalo pang sumama ang loob ni mama. Ganon na rin kaming magkakapatid. Noong akala nami’y nagttrabaho na siya sa Cavite ng maayos ay may bahay pala doon yung babae at doon sila nagsasama.
Gumuho ang mundo ko noong oras na yoon. Maski 8am pa ang klase ko ay pumapasok ako ng 6am. Umuuwi rin ako ng 7pm. O mas gabi pa basta alam kong may masasakyan pa ako. Ayokong may makausap sa bahay lalo na si papa. Baka kung anong masama lang masabi ko. Ayoko rin namang makabastos. Hirap na hirap ako noon at di makapaglabas ng ng sama ng loob maski sa aking mga kaibigan. Ayoko kasing problemahin pa nila ako. Pero may ilang nakapansin din sa akin at nagtanong ng “kamusta”. Bumuhos na lang ang luha ko ng tuloy-tuloy nung panahon na ‘yon.
Lalo ako nawalan ng tiwala sa mga lalaki. Sabi ko nga sa bunso kong kapatid, kung gagaya siya kay papa ay itatakwil ko siya.
Isa akong Lola’s girl. Panganay na po, panganay na pamangkin sa side ni mama. Alagang-alaga nila ako kaya sa tuwing uuwi na kami sa probinsya dahil tapos na ang bakasyon ay umiiyak ako. Mas gusto ko kasi sa kanila.
March 2013 ng nagpunta sa Heaven si Lola. 3rd year college pa rin ako pero patapos na ang 2nd sem. Malapit na ako mag-intern at nakaplano nang sa Maynila ako magttraining para makasama ko siya ng madalas kaso nauna na siyang umalis.
Nasa Australia si Lolo na papa ni mama. Di ko pa siya nakikita simula noong una pa dahil 15yo pa lang ang bunsong kapatid nila mama ng lumipad si lolo para doon magtrabaho at ni minsan ay di pa umuwi. Mahihirapan na daw kasi siyang makabalik, sabi niya. Ng panahon na yan ay doktora na ang tita ko na yoon.
Nasa may halos ikatlong taon ng pagkamatay ni lola ay nalaman naming may isang taon na pala ang nakalipas nang umuwi si lolo ng Pilipinas ngunit di namin alam kung saan siya namamalagi. Hanggang sa nalaman naming nasa Las Piñas siya at kasama niya ang isang babaeng matanda na kilala rin nila mama at ng kanyang mga kapatid. Doon na lang din namin nalaman na may dalawang anak sila at may mga apo na rin.
Sobrang sama ng loob ko kay lolo noon dahil maski noong nagkakasakit si lola at namatay ay di man lang siya umuwi para bisitahin siya at ganon na lamang ang bilis ng pag-uwi niya at pamamalagi dito noong wala na talaga si lola. Ako ang nasaktan para kay lola. Wala kaming narinig ma kahit ano kay lola. Ang alam lang namin at nagtitinda siya sa palengke ng mga damit at inaalagaan noya kaming lahat. Di namin alam na may dinadala na pala siyabg mabigat na problema at sama ng loob.
Too Afraid to Trust, Love and Get Hurt.
Yan ang titulo na binigay ko sa unang post ko na ito. Pero ang ginawa ko lang naman ay ikuwento ang buhay ng dalawang pinakaimportanteng babae sa buhay ko.
May napanood akong isang video sa tiktok noon. Ang sabi ay “Sinasabi mong lahat ng mga lalaki ay manloloko. Hmmm. Kung lahat edi kasama tatay mo? Edi kasama ang lolo mo?” And I put a comment: Sadly, yes.
Paano ba ako magtitiwala at magbigay ng pagmamahal kung hindi ko pa man ding nararanasan na mapasok sa isang relasyon ay nasaktan na ako dahil sa mga nangyari sa mga babaeng importante sa akin? Paano ako magtitiwala at magmamahal kung naiisip kong hindi ako mapagtatanggol ng dalawang pinakaimportanteng lalaki sana ng buhay ko kung ako’y lolokohin at sasaktan ng pipiliin kong mahalin dahil nanloko at nanakit din naman sila?
Natatakot akong magtiwala. Natatakot akong magmahal. Natatakot akong masaktan.
Paano nga ba ang gagawin ko? Nag-aral akong mabuti pero sa lahat ng lessons na napag-aralan ko, hindi ko makita ang sagot kung paano ako magtitiwala at magmamahal ng alam kong hindi ako masasaktan.