UNANG BESES, IKAW.
Categories Waiting

UNANG BESES, IKAW.

Unang beses ko nilakasan ang loob ko na magpadala ng message sa taong di ko lubos kilala. Ikaw. Nagbakasakali ako na kailangan mo ng kausap. Kailangan mo ng kaibigan na makikinig sayo.

Unang beses ko makaramdam ng ganung paghanga na kahit di mo ako kilala, naibahagi mo saken ang mga bagay na mahirap sabihin sa iba. Nagpakatotoo ka. Sa panahong nalulunod ka na, hirap ka na huminga, madilim ang lahat para sayo, pinakinggan ko lahat ng sinabi mo. Sana nakatulong yon para mabawasan ang bigat na nararamdaman ng puso mo.

Unang beses na nakita ko ang litrato mo, ang iyong mga mata, hindi na yun mawala sa isip ko. Tumagal ang pag-uusap naten ng ilang oras, ilang araw, at ilang linggo. Napaisip na lang ako, “hanggang kailan kaya ito?”

Unang beses na may nagpakilig saken. Ikaw. Nagbibigay ngiti sa aking mga labi ang mga mensahe mo araw-araw. Lubos na saya ang naramdaman ko sa tuwing kausap ka.

Pero…

Unang beses mo umamin na mahal mo pa siya, na okay na ulit kayo.. di ko napigilan ang mga luha na tumulo mula sa mga mata ko.

Unang beses ko napatunayan sa sarili ko, na may naramdaman nga ako para sayo. Pilit kong tinatanggi na wala, pero meron. Meron.

Unang beses na hindi mo sinagot yung mssg. ko, inintindi ko yon. Nirespeto ko relasyon niyo. Pero di ako lumayo, at pinatunayan ko sayo na isa akong totoong kaibigan. Handang makinig sa oras na ako’y iyong kailangan.

Unang beses ko inamin sa sarili ko, na na-miss kita. Matagal na panahon ang lumipas, hanggang sa nagchat ka ulet saken at gusto mo makipag-kita. Pumayag ako makipagkita bilang “kaibigan.”

Unang beses na nagkita tayo, na-blangko ang isip ko at di naiwasang bumilis ang tibok ng puso ko. Di makatingin ng diretso sa mga mata mo, di alam ang sasabihin sayo. Pero masaya ako, sa wakas nagkita na tayo.

Ngunit…

Dumating ang araw, wala nang “kayo.” Napapadalas na muli mga chat mo saken. Pero nag-iba na. Di na tulad ng dati. Usapang kaibigan. Para sakin, sapat na yon. Hanggang dun na lang.

Sa tinagal ng panahon, lubos kitang nakilala…

Unang beses ko napagtanto, na hindi ikaw ang lalaking ipinapanalangin ko. Hindi ikaw ang para sa akin. Pero salamat sayo, natuto ako.

Natuto ako na di dapat magpadala sa bugso ng emosyon.
Natuto ako na kilalalin muna ang isang tao bago pumasok sa isang relasyon.
Natuto akong maghintay. Di mawala sa isip ko ang mga katagang nabasa ko mula kay JH Hard (tagalugin ko na para mas maintindihan):

Hintayin mo ang taong para sayo ngunit huwag mo hintayin ang isang tao na maging para sayo.

Unang beses na nakilala kita, di ko iyon pinagsisihan. Di ko rin maitatanggi na isa kang biyaya sa buhay ko kaya MARAMING SALAMAT KAIBIGAN…