Araw-araw ay Giyera
Categories Poetry

Araw-araw ay Giyera

Pagmulat pa lang ng ‘yong mga mata sa umaga

Ang ritmo na ng puso mo ay mabilis at kakaiba

Tila ba yabag ng mga sundalong nagmamartsa

Sa dami ng problema, ayaw mo nang huminga

Pagod nang mag-isa sa araw-araw mong giyera

 

Isa laban sa isang brigada, iisa na lang din ang bala

Tsaka mo lang maiisip na hindi mo na pala kaya

Kaya’t itinaas mo na ang iyong mga kamay

At humingi ng tulong sa Diyos na buhay

‘Yon na pala ang una mong tagumpay

 

Ang pagsuko kay Kristo ay ‘di simbolo ng pagkatalo

Nanalo ka hindi dahil sa tikas, lakas, o armas mo

Kundi dahil sa Diyos na lumaban para sa’yo

Lumaban hindi para sa gintong tropeyo

Kundi para sa ganap na kalayaan mo

 

Kalayaan sa hindi nakikitang kalaban

Kalayaan sa tukso at tawag ng laman

Kalayaan sa bangungot ng nakaraan

Kalayaan sa pangamba ng kasalukuyan

Kalayaan sa alinlangan ng kinabukasan

 

Kaya’t bago mo isara ang iyong mga mata

Iwagayway mo sa Kanya ang puting bandera

Para bukas nang umaga, hindi ka na ulit mag-iisa

Dahil ang Diyos na ang sasama at lalaban sa giyera

Ang kailangan mo lang gawin ay magtiwala sa Kanya