Papel na Tulip
Categories Poetry

Papel na Tulip

Ang mga tulip ay sumisimbolo sa perpektong pag-ibig
Gaya ng pagmamahal ng Diyos sa atin
Nasasabik Siyang tanggapin ang sinumang sa Kanya’y lalapit
Bagong buhay at kapatawaran ang ating makakamit

Sabi nila, bulaklak na papel ay di kasinghalaga
Ng tunay na bulaklak na namumukadkad at sariwa
Dahil imitasyon lamang, madalas ito’y ihalintulad
Sa damdamin na di totoo, di tapat, at huwad

Ngunit wag maliitin ang papel sa iyong paningin
Madali mang masira kung piliting punitin
Ito’y di malalanta, panahon man ay lumipas
Kung papahalagahan at iingatan, di madaling kukupas

Ang bawat titik at salita ay masusing pinag-isipan
Sa bawat pagsukat at pagtupi’y iniingat-ingatan
Malikhaing isinulat sa papel na tulip
Sapagkat sa paggawa’y ikaw ang inspirasyon at laman ng isip