Kahapon, Ngayon at Bukas

Ang magmahal ng walang pinipiling panahon.

1023

Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.

Kay tagal ko nang naghihintay ng pag-ibig na magpaparamdam sa akin ng tunay na kaligayahan. Yung klase ng pag-ibig na pang-wakas na talaga, hindi yung panandaliang ligaya. Sa panahon ngayon, napakahirap makahanap ng taong mamahalin ka ng tunay at iibigin ka ng walang kapalit. Yun ang pangarap ng marami. Pero ito ba ay tama?

Sa aking pananaw, ang pag-ibig ay dapat mayroon ding kapalit. Hindi pwedeng magmahal at pumayag na hindi ka nasusuklian ng tama. Sa panahon ngayon, utak ay dapat din ginagamit kapag nagmamahal, kundi, ikaw ang talo. Utak din ang makakapagsabi kung nagmamahal ka ng tao dahil ang puso ay walang kakayahang mag-isip at ito ay bulag.

Marami ang nagtatanong kung anong klaseng kapalit ba ang hinahanap ko na wala pang nakakapagbigay. Ang sagot ko palagi ay ang mahalin at tanggapin ako kung sino ako kahapon, ngayon at bukas. Marami rin ang sumang-ayon pero alam ko, napakahirap ng aking hinihingi. Ngunit, hindi rin ito imposible kaya bakit ko babaguhin ang aking kondisyon?

While you are busy reading this article, try mo rin makinig sa episode namin:


Kahapon ay ibang tao ako. Ito ang klase ng tao na maraming naging mga pagkakamali at habambuhay niya dadalhin ito. Masarap siguro sa pakiramdam na mayroong isang taong mamahalin ako kahit marami akong mga pinagsisihan sa buhay. Maski ako ay hindi masaya sa kung sino ako kahapon. Ngunit wala akong babaguhin kahit kaya kong ibalik ang panahon dahil hindi ako makakarating sa kinalalagyan ko ngayon kung hindi dahil sa kung sino ako kahapon.

Ngayon ay bata pa lamang ako at marami pang pwedeng pagdaanan at pwedeng matututunan. Hinahanap ko pa ang aking landas at hantungan. Masaya sana kung mayroong taong sasamahan ako tahakin ang mga landas na nais kong masubukang lakarin hanggang sa maabot ko ang aking mga pangarap bukas. Hindi ko man siya nakasama kahapon, nais ko siyang makasama ngayon at sa aking kinabukasan.

Bukas ay ibang tao na ako kumpara kung sino ako kahapon at ngayon. Baka pagharap ko ng salamin ay hindi ko na makilala ang aking sarili pero alam kong magiging masaya ako. Sana ang taong mamahalin ko ay mamahalin din ako sa bagong pagkatao ko. Mahirap man makamit ang aking gusto bukas pero nakakagaan ng loob na mayroong isang taong naniniwala sa akin at sumusuporta kahit magiging bagong ganap na katauhan ako, kakaiba sa nakilala niya ngayon.

Mahirap ang aking hinihingi pero yung lamang ang aking nais. Kasi hindi ba, ganun naman dapat? Kapag nagmahal ka, mahalin mo ng buo, hindi ang isang parte ng kaniyang pagkatao lamang. Sa ngayon ay hindi ko pa hinahanap ang ganitong pag-ibig pero aaminin ko, ako ay naghihintay. Kung darating man siya, sana’y mapagbigyan niya ang aking hiling. Dahil handa ako tanggapin ang kaniyang kahapon, samahan siya ngayon at mahalin parin siya bukas.

Send me the best BW Tampal!

* indicates required