Minsan mo na rin ba naisip kung bakit patuloy mo pa rin minamahal ang taong ni minsan ay hindi naglaan ng konting oras para pansinin ka. Naisip mo ba maaring may kulang pa sa effort mo kaya patuloy ka pa rin nya binabasted at nilalayuan? O kaya naman, naisip mo rin na kailangan mo magtyaga pa, baka balang araw ay makita ka nya sa paraang gusto mo at ipinanalangin mo?
Minsan na rin bang sumagi sa isip mo na kalimutan sya? O ginawa mo naman pero at the end of the day, sya pa rin ang naiisip at laman ng puso mo? Para ka na rin bang si Peter Parker na laging mukha nya ang nakikita mo sa bawat lingon – na lahat ng ng babaeng nakakasalubong mo, ay akala mong sya yun? Sinubukan mo na rin bang magsumamo at tanungin sya kung bakit ayaw ka nyang bigyan ng pagkakataon? Hindi ka nag-iisa kapatid, marami kayo, marami tayo – kahit ako.
Lahat tayo, minsan sa buhay natin ay nakaranas na umibig ng lubos sa isang tao, o kaya naman eto yung season mo ngayon. Na kahit anong sanay ka na ma-reject, di ka pa rin matuto-tuto. Wala akong sinasabi na marurupok tayo at hindi ko rin sinasabi na marupok ka, hindi ko rin sinasabi na marupok ako. Pero kasama yan sa tinatawag na love story mo. Minsan para kang nagbebenta ng samalamig – minsan sold out, minsan inaaalat dahil walang benta – pero walang bitawan, walang susuko. Pero heto naman ang tanong ko, at sa sarili ko na rin – hanggang kailan ba tayo dapat lumaban para sa taong minamahal natin? Ano ba iyung signs na hinihintay natin? Hihintayin pa ba natin na i-block nya tayo at ireport sa HR kung katrabaho natin sya? O kaya, yung kahit anong tanong mo sa kanya at kahit anong pag-connect mo ay ang sagot nya ay “NO”, at dahil dun, bumaba na rin expectation mo sa kanya, na kahit anong gawin mo para sa kanya ang response nya ay “NO”? O kaya naman, hihintayin pa natin na sabihan tayo ng “Leche!! (may exclamation mark para may diin)”, o kaya ipa-blotter tayo sa pulisya para lang tigilan na natin ang “kahibangan” ng pag-ibig na eto, o kapag nawala na ang kakayanan mong umibig muli pagkatapos nito dahil napuno ka na ng alinlangan sa sarili mo, nadala ka na, natatakot ka na at higit sa lahat, napagod ka na? Minsan wala naman masamang sumuko, lalong lalo na kung sa patuloy mong paglaban ay nawawala na rin ang respeto at pagpapahalaga mo sa sarili mo. Alam ko na kailangan mo rin syang unawain ng taos puso, pero paano pagkatapos nito, kilala mo pa ba ang sarili mo? Ikaw pa rin ba yan?
Mahirap na isuko ang laban lalo na at mahal mo naman talaga at wala ka naman masamang hangarin sa kanya, pero minsan kailangan nating gawin lalo na kung tayo na yun nasasaktan ng lubusan sa patuloy na pagsuyo sa kanya na ni minsan ay wala syang balak na suklian. Kapatid, mahirap pero kailangan mo tingnan minsan ang sarili mo sa salamin. Hindi mo kailangan paulit ulitin ang linya ni Liza sa “My Ex and Whys..” kung pangit ka ba o kapalit palit ka. Minsan talaga, umiibig tayo sa taong hindi kailanman tayo kayang ibigin – iyon ang katotohanan. Pero hindi naman iyon ang katapusan natin. Hindi natin kasalanan yun – umibig lang tayo, pero kailangan din natin pangalagaan ang ating sarili para sa huli, kilala pa natin kung sino tayo. Makinig ka kapatid.
Heto ang aking maibabahagi sa’yo na mismong ginagawa ko at tinitingnan ko bago ako sumuko. Una mong tingnan ang dalawang bagay sa buhay mo, na dapat hindi nababalewala sa proseso ng pagsuyo at paghingi ng kanyang oras at atensyon – eto ang self – respect at self – worth. Eto ang dalawang kailangan mong panghawakan at huwag mong bibitawan, ‘yan lang yung para sa’yo – kaya nga “self” – paano kung mawala pa ‘yan, siguradong talo ka na. Dyan galing yung kasabihan na “magtira ka para sa sarili mo” – ‘yan yun. Minsan, madalas natin malimutan ‘yang dalawang bagay na yan, kaya natatalo tayo na hindi na natin kilala ang sarili natin.
Bigyan mo ng kaunting pabor ang sarili mo. Masarap magmahal, kahit masakit minsan (o madalas), pero huwag mo naman ipatalo pati yung respeto at pagpapahalaga mo sa sarili mo. Hindi ka nya hawak sa leeg para hindi mo magawa yan. Kapag alam mong malapit mo na maipatalo yan dalawang bagay na yan sa pagmamahal at pagsuyo mo sa kanya, parang awa mo na, bumitaw ka na. God created you magnificently, wag mo ipasira at ipatalo ang lahat sa taong hindi ka kayang ibigin ng gaya ng pag-ibig mo sa kanya.
Kung sakaling naipatalo mo ang sarili mo noon, huwag kang mag-alala, hindi pa naman huli ang lahat. At least may natutunan ka. Hayaan mong maghilom ang puso mong sugatan. Muli mong mahalin ang sarili mo, at bumangon ka. Ipakita mo sa kanya – sa lahat na pwede ka pa ring mahalin, na kahit pinagtabuyan ka ng maling taong inibig mo ng lubos. Huwag mong hayaang tuluyan mong isara ang puso mo sa pagkakataon na may makakakita na maari ka ring ibigin. Pero sa ngayon, sarili mo muna.
Mga kapatid, hindi masamang umibig ng lubos, pero magtira tayo ng para sa atin. Para kapag dumating na yung tamang panahon na ipakilala na ni God yung tamang tao, kaya pa rin nating umibig – hindi yung pagod na tayo at hindi na kayang buksan ang puso para sa kanya.
Kung uulitin mo kung ano ang sagot sa tanong na “How To Stop Loving a Person Who Continuously Rejects You?”, simple lang, mahalin mo ang sarili mo ng higit sa kanya, sa ngayon.
Kaya mo yan, kapatid. Hindi ka nag-iisa… =) =(
-The Basted Bachelor