Isang estranghero na unang nasilayan sa hagdanan ng paaralan, di ko inakala na balang araw magiging laman ng puso at siyang ititibok nito.
“Maam” iyan ang unang katagang narinig kong namutawi sa kanyang bibig, hindi ko alam kung bakit ngunit hindi ko man lang pinadapo ang aking titig sa mga hibla ng kanyang uniporme, pilit iniiwasan sa di malamang dahilan ngunit bakit ganoon, lumipas ang araw at buwan bigla nalang nagbago ang pagtingin sa estrangherong ni ayaw pansinin noong una pa nitong dating.
Ang dating nakasimangot na mukha ni ma’am ay napalitan ng mga ngiti at halakhak dahil sa nakakatawang ugali ni sir. Ang dating pagkakaibigan lamang ay lumalim ng husto ngunit sa kabilang banda isa lang pala sa kanila ang handang magmahal at sumubok..
Nagmahal, unti unti na palang nasusubok ang puso ko, ang puso kong inakala kong sadyang matibay at kakayanin ang anumang sakit na maaari nitong pagdaanan.
Umasa, yan ang katagang namutawi sa aking makikipot na labi, handa akong umasa sa pagkakataong ito dahil gustong gusto ko na wala akong pagsisisihan pagdating ng araw ngunit sa paglipas ng panahon ako pala’y
Masasaktan, dahil ang love story na inaakala ko na magkakaroon ng happy ending ay isa lamang palang one sided love story. Na hindi pa pala niya kayang iwanan ang kanyang nakaraan, na hindi pa siya handang ibigay ang puso niya sa taong lubos na nagmamahal sa kanya, ngunit ganun pa man ako’y
Natuto, salamat sa aking mga kaibigan na hindi ako hinusgahan noong kinakailangan ko ng taong makikinig sa akin at dadamay sa sakit na aking nararamdaman.
Kaya isang paalala mula sa gurong nasaktan, walang masamang mag take ng risk basta handa kang masaktan dahil kaakibat ng pagmamahal ang masaktan. Ipakita mong minahal mo sila ng sa bandang huli wala kang pagsisisihan, nagmahal ako dahil gusto ko, umasa ako dahil yun ang akala kong tama, nasaktan sa pag aakalang kaya kong palitan sa puso niya ang taong minahal niya ng sobra ngunit hindi pala at eto ako tumatayo ng muli mula sa pagkakadapa at handang matuto sa sakit na dala ng kahapon.