Kung sakaling alam mo na
Categories Confessions

Kung sakaling alam mo na

Kung sakaling alam mo na,
dahilan ng hindi maiwasang pag-ngiti sa tuwing makikita ka; ng matinding kabog nitong dibdib kapag palapit ka na; ng walang mapaglagyang tuwa kapag kasama ka.

Kung sakaling alam mo na,
kung bakit gustong-gusto kong inaalagaan ka. Kung bakit ganon na lamang kung ako’y mag-alala. Kung bakit sa buhay kong ito, higit ka pa sa mahalaga.

Kung sakaling alam mo na,
dahilan ng mga kilos kong parang iba na; ng walang mintis na pagtitig sa iyong mga mata; ng mga birong hindi mo namamalayang totoo na pala.

Kung sakaling alam mo na,
kung bakit lahat ginagawa ko para lang maging masaya ka. Kung bakit nasasaktan ako kapag may kasama kang iba. Kung bakit nandito parin ako kahit nahihirapan na.

Kung sakaling alam mo na,
‘yung tunay kong nadarama. Maniwala ka sana kapag sinabi kong hindi ko ‘yon sinadya. At sa paglipas ng panahon, lumabas lang siya ng kusa.

Kung sakaling alam mo na,
‘yung katotohanang pagtingin ko sa’yo ay nag iba na. Maniwala ka sa’kin, sinubukan kong limutin pero hindi ko magawa. Pinilit kong alisin pero ayaw niyang mawala.

Kung sakaling alam mo na,
pasensya ka na. Kung tinalon ko ‘yung limitasyon ng pagkakaibigan nating dalawa; sa halip na manatili sa kung saan nakaapak ang ating mga paa.

Kung sakaling alam mo na,
pasensya ka na. Alam kong napapa-isip ka kung totoo ba talaga. Isang katotohanang bigla mo nalang nakumpirma. Katotohanang matagal itinago pero ibinulgar ng traydor kong mga mata.

Kung sakaling alam mo na,
pasensya ka na. Kung hindi ko maamin sa’yo at puro lang ako padama. Kung naduduwag akong ilabas ang tunay kong nadarama.

Kung sakaling alam mo na,
siguro nga maiintindihan ko na. Kung bakit bigla kang nag iba. At sa bawat paglapit ko, pilit kang dumidistansya.

Kung sakaling alam mo na,
huwag kang mag-alala. Hindi ako magagalit kung pakikitungo mo sa’kin ay lumalamig na. At kung may magbago pa, huwag kang mag-alala maiintindihan ko na.

At kung sakaling alam mo na,
gusto ko ring malaman mo na hindi ako maghahangad ng kapalit o ng kahit ano pa. Sapat na sa’kin ang makita kang masaya –masaya sa piling ng taong pinili mong makasama.