NA PARA BANG…
Categories Poetry

NA PARA BANG…

Na para bang proyekto sa eskwela

Kung saan kayo ang magkapareha.

Yung ikaw ngarag na ngarag na

Tapos yung ka-grupo mo petiks pa.

Yung alam niyong kayo’y babagsak na

Pero siya wala pa ring ginagawa.

 

Na para bang nag rank game ka sa ML

Kung saan nag hahabol ka ng star.

Yung malapit na mag End Season

Tapos yung kampi mo kanser pa.

Yung push pa at nag launch attack ka

Pero siya, initiate retreat at surrender na.

 

Na para bang kanta sa videoke

Kung saan ikaw ang nag lagay.

Yung sabi niya hanggang chorus lang daw

Tapos patapos na pero sige pa rin siya.

Yung gusto mong agawin yung mic sa kanya

Pero hinayaan mo nalang siya.

 

Na para bang cake sa isang party

Kung saan lahat gusto ng parte.

Yung kanya-kanya na silang hati

Tapos ikaw yung nahuli.

Yung halos tira-tira nalang yung sayo

Pero at least natikman mo.

 

Na para bang sirang plaka

Kung saan paulit-ulit na yung kanta.

Yung akala mo patapos na

Tapos biglang tatalon ulit sa simula.

Yung sobrang na ririndi ka na

Pero hindi mo matapon dahil mahalaga.

 

Na para bang isang bula

Kung saan nakakapagbigay ka ng saya

Yung bubuuin ka nila

Tapos puputukin din bigla.

Yung bigla nalang nawawala

Pero nag-iiwan nang kakaibang saya.

 

Na para bang ika’y isang turumpo

Kung saan ikaw ay nilalaro.

Yung pa-itaas ka niyang hahatakin

Tapos sa kanyang kamay ika’y papaikutin

Yung sa lubid ika’y kanyang babalutin

Pero pagkatapos ay hihilahin at ibabato rin.

 

Na para bang isang politiko

Kung saan nanlilimos ka ng boto

Yung naka-upo ka na sa pwesto

Tapos nakalimutan mo na yung mga sinabi mo.

Yung ang dami-dami mong pangako,

Pero sa huli lahat ‘yon, mapapako.

 

Na para bang bigla kang nagising sa pagkakahimbing

Kung saan naghahanap ka ng lambing.

Yung magtataklob ka nalang ng kumot sa tabi

Tapos tahimik ka nalang na hihikbi.

Yung tipong malamig ang gabi

Pero wala ka pa ring katabi.

 

Na para bang walang tigil ang ulan

Kung saan gusto mong patilain yan.

Yung ang araw ay muli nang masisilayan

Tapos ang bahaghari’y iyong inaabangan.

Yung pag buhos niya nga’y natigilan

Pero ang mga daa’y basa pa rin naman.

 

Na para bang kwento niyong dalawa

Kung saan ito ay patapos na.

Yung gusto mo sanang ituloy pa

Tapos pinipilit mo pa talaga.

Yung ikaw, kahit hirap na, laban pa.

Pero siya, wala na, sinukuan ka na.

 

Na para bang tungkol talaga satin ‘tong dalawa

Kung saan gumamit lang ng iba’t ibang paksa

Yung iniba ang mga panghalip at pandiwa

Tapos idinaan nalang sa mga positibong parilara.

Yung ang tema’y pinipilit na maging masaya

Pero ang totoo’y malungkot itong may-akda.

-JulaissABNOY©️