Alam mo ba?
No’ng una kitang nakita, naalala ko na iisang kulay pa ang iyong suot. Nakita ko ang iyong bawat anggulo, na parang hindi ko maalis ang aking pagtingin sa’yo. Nag-iinit ang aking pakiramdam na tila matutunaw ang yelo, do’n ko nalaman na kakaiba na ang nararamdaman ko–na magkakaroon ako ng paghanga sa’yo.
Alam mo ba?
Sa tuwing ika’y lagi kong nakikita, kaba ang laging nangingibabaw. Sa tuwing sumusulyap ako, parang lalong lumalalim ang damdaming nahuhulog na tila may konting kirot sa dibdib ko. Sa mga segundo, minuto, at oras na tumatakbo, humahabol-habol ang damdamin ko para sa’yo. Tila malalim na ang kutsilyo ng pag-asa na ibinaon ko sa sariwang laman ng pusong nagdurugo. Yung pakiramdaman na ‘yon na hindi na pwede, kaya parang pinapatay ko nalang ang aking sarili na lumalaban na wala namang sandata para manalo, kaya’t pinalulunok ko ang aking sarili ng lason, dahil pakiramdam ko, ikaw na ang mundo ng buhay ko.
Alam mo ba?
No’ng una kitang makausap, hindi mapigilang mapangiti sa ating kwentuhan na ikinatutuwa ko. Hindi ko rin maipaliwanag ang pintig na bumibilis at mapaglarong utak na unti-unting nadudulas. Ngunit, heto nanaman at nagpapakasakit sa imahinasyong tuso.
Ay, teka, sa totoo lang, matinding tukso. Oo, tukso sa buhay ng isang binibining umiibig ng palihim.
Alam mo ba?
No’ng una tayong nagkita, nakaramdam ulit ako ng kaba. Bumibilis ang tibok ng aking puso; ang mga paru-paro’y nagkakagulo sa panibughong nararamdaman.
Alam mo ba?
No’ng unang dumampi ang mga kamay natin, nagsalubong ang mga mata sa anggulong hindi inakala. Kinikilig dahil sa pinanghahawakang “akala”. Wala akong masabi, kundi ang isang ngiting nakabakas sa aking mukha.
Alam mo ba?
No’ng una mo akong niyakap, may nararamdaman akong kakaiba sa’yo. At nang hinigpit mo lalo ang iyong pagyakap, kalungkutan pala ang bumabalot sa’yo. Agad mong kinwento sa’kin ang iyong problema, patungkol pala sa babaeng hinahangaan mo, at saglit akong napatulala.
Marami akong tanong pumapasok sa aking isipan, “Sino siya? Bakit siya?” Iyon lamang ang mga malalaking tanong na sumagip sa isip ko.
“Kaibigan.” Iyon ang ating turingan sa isa’t isa. Labis akong nagtataka–hanggang do’n nalang ba ako para sa’yo? Hanggang kaibigan lang ba ako para sa’yo?
Alam mo ba?
No’ng pinakilala mo na siya sa akin, sadyang hindi ko mapigilang ikuyom ang aking mga kamay.
“Okay lang ‘yan.” Sabi ko sa aking isipan, at ngiti na mapait lamang ang naipakita ko sa inyong dalawa.
Umuwi ako ng bahay, nagkulong sa kwarto, nagmumukmok at umiiyak.
Bakit ako nasasaktan?
Bakit ko siya iniiyakan?
Alam mo ba?
No’ng tinawagan mo’ko sa aking telepono, biglang naglaho ang aking kalungkutan nang tinawag mo ang aking pangalan. “Okay ka lang ba?”, “Kumain ka na ba?” Pinakinggan ko ang iyong boses na halatang nag-aalala para sa’kin.
Iyon na pala ang huli nating pag-uusap.
Nakalipas na ng ilang buwan, napa-isip ako, sa sobrang abala ko sa aking sarili, ni “kumusta” hindi na kita nababati.
Dumating ang araw na kinamusta na kita, sabi mo lang “Okay lang ako.”
Tinanong kita, “Kumusta naman kayo?”
Tinitigan mo lang ako, wala kang masabi, pero sa huli sinagot mo ang aking tanong, “Kami na.”
Nang narinig ko ang mga iyon, naramdaman kong parang huminto ang pag-ikot ng aking mundo. Kaya, ngumiti na lang ako ng mapait at tinalikuran na lamang kita.
Ilang buwan na lumipas, bigla kitang naalala. Hinanap kita sa social media, ang laking gulat ko na umalis ka na pala ng bansa nang walang paalam sa’kin. Nalungkot ako nang lubos. Iniwan mo ang iyong pinakamatalik na “kaibigan” sa lahat.
Alam mo ba?
Ilang taon na ang lumipas, ni minsan hindi kita nakalimutan at nawaglit sa aking isipan. Ilang taon na hindi tayo nagkaroon ng komunikasyon sa isa’t isa at ‘di ka nagparamdam sa’kin.
Ngunit, dumating ang araw na nagkasalubong ang ating landas.
“Kumusta?” Tanong mo sa’kin. “Okay lang ako.” Sagot ko.
“Wala na kami.” Bigla mong pagsingit at naging dahilan para tumingin ako sa’yo ng diretso sa iyong mga mata. Ngumiti ka muli sa’kin, yung ngiting nagbibigay sa’kin ng kasiyahan noon ay dala mo pa rin hanggang ngayon.
Labis kang nagsisisi na mas pinili mo siya kaysa sakin. Ang sagot ko?
“Okay lang, tanggap ko na. Patawad dahil wala na akong nararamdaman para sa’yo.”