Current Article:

Ang Aking Paglalakbay sa Kagubatan ng Lumbay

Ang Aking Paglalakbay sa Kagubatan ng Lumbay
Categories Faith

Ang Aking Paglalakbay sa Kagubatan ng Lumbay

Ang lahat ay nagsimula noong mga panahong ako ay naglalakbay sa kagubatan ng lumbay.

Kadiliman at katahimikan—minsan ko na rin sila naging kaibigan.

Kinasusuklaman at iniiwasan man sila ng karamihan dahil sa angkin nilang mga katangian.

Saglit ko pa rin silang minahal kahit na hatid nila’y punyal ni kamatayang heneral.

Buong akala ko’y hindi na ko makakalabas pa mula sa tahimik at madilim na kagubatang iyon.

Ngunit ako’y nalinlang dahil isa pala itong malaking pagkakamali— ang maniwalang habangbuhay na ko sa kagubatan ng lumbay mananatili.

Subalit sa gitna ng aking paglalakbay, isang Ilaw ang pumukaw sa puso kong pagod na at nalulumbay.

Isang Ilaw na siyang nagbigay buhay sa puso ko na unti-unti nang natutuyo’t namamatay.

Buti na lang at natagpuan Niya ko’t sinagip mula sa aking katakot-takot na bangungot—

Ang maligaw, makulong at magpaikot-ikot dahil sa kung saan-saan lang ako naglilibot.

Naglilibot, upang sana ay gamutin ang puso kong salat at tuyot.

Buti na lang talaga’t nakalabas ako nang buhay,

Dahil sa tulong ng Ilaw na matagal na pala sa ‘king nakusubaybay.

Salamat sa Kanya’t nakalabas ako ng maingat sa gubat ng lumbay.