Ang Hangin Mo
Categories Move On

Ang Hangin Mo

“Lalabas lang ako para magpahangin”
Batid kong
hindi naman kailangan
pagsabihan
ang katawan
para huminga,
Pero nang gabing iyon,
nagpasyang lumabas
para lumanghap ng sariwang hangin
Masyado siguro akong nasanay sa tanawin dito sa amin
Kaya lumakad…
nang lumakad…
nang lumakad…
Huminga…
Ikaw-
ang hangin
na unang sumalubong sakin
Hindi nakita,
ngunit nakilala
Hindi narinig,
ngunit namemorya ang tinig
Hindi sinasadya,
ngunit naramdaman nalang bigla.
Hindi ako,
nakinig kay inay
nang sabihin niyang
“Wag ka nang lumabas,
baka hamugin ka”

Hamog,
ang nagpapalabo ng paningin
sa mga bagay
sa paligid
Hamog,
ang nagdaramping halumigmig
sa pisnging tukoy
na ang temperatura’y
lumalamig na
Hamog
ang ikaw,
sa akin nang gabing iyon…
Hindi pa man bumabagyo
ramdam ko na ang pagsilip
at pagdilig mo
sa puso kong tuyo pa
ang damdamin
dahil tag-araw pa lamang
ang alam na klima nito
Tulad ng hamog ikaw ay
unti-unting maglalaho
Gaya ng hangin,
pakikiligin,
ngunit
hindi pananatilihin.
Nang gabi palang iyon,
hindi ako nasabihan ni Inay
“Magdala ka ng payong,
baka umulan”

Aminan,
Diyan ako tinangay ng
hanging amihan mo
Hindi kita masisi
dahil sa una palang,
ako ang lumakad
nang lumakad…
nang lumakad…
Buntong-hinga…
Sapat na
ang mga patak ng ulan
para mabasa
ang mga lansangang
dinaanan ko
ang mga halamang
sinubukan kong itanim para sayo
ang mga nalaman– ko
Kaya kung tatangaying muli ako
ng hangin mo,
Ito na ang huling pagsasalanta
ng bagyo mo.
Ang huling pagpapaikot-ikot mo,
Sa puso kong parang ipo-ipo.
Sige,
hahayaan kong ako’y matangay at maitapon
kung saan mang lupalop ng mundo
mahulog,
mauntog
at magising sa bangungot.
Hahayaan kitang
ako’y iyong itapon
sa kahit anong kalupaan,
huwag lang sa karagatan
ng mga isdang pinili mo.

Sa susunod na magpahangin ako,
Gagawin ko ito sa umaga,
kung saan malinaw ang lahat
dahil sa sinag na taglay
ni Haring Araw.