Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.

Nagsimula sa isang ‘Kumusta ka?

Hanggang pagkakaibiga’y lumalim na

Bawat araw na lumilipas mas nakilala

Tila ba parte na ng isa’t isa

 

Di lumaon ay ating napagtanto

Unti-unti nang nahulog itong puso

Sa mga pangakong ‘andito lang ako

Panatag na kapag bumagsak, may sasalo.

 

Ngunit ito nga ba’y tama?

Hindi ba nais nating maging halimbawa?

Sa mundong pag-ibig tila kay bilis makuha

Paano tayo magiging iba sa kanila ?

 

Tinitibok man ng puso’y iisa

Piniling lumayo at umiwas muna

Upang sa kwento nating dalawa

Walang ibang mataas kundi Siya

 

Sa ngayon, ako muna

Lalagong mag-isa

Susubok ng mga bagay na di ka kasama

Papanatag sa piling ng Manlilikha

 

Patuloy na ibubulong sa mga dalangin

Na Kanyang pagpalain at pagtibayin

Itong ating pusong handang antayin

Ang oras na Kanyang itinakda para satin

 

Ito man ay isang malaking hamon

Mahal, hindi tayo sasabay sa alon

Matiyagang maghihintay sa tamang panahon

Hanggang ito ay loobin na ng Panginoon

 

Hindi susuko,

Hindi papatalo

Dahil sa dulo ng lahat ng ito

Ay ang pangakong ikaw at ako