Current Article:

ANO ANG KASUNOD NG “Oo”? (What’s next after she said “Yes”)

ANO ANG KASUNOD NG “Oo”? (What’s next after she said “Yes”)
Categories Relationships

ANO ANG KASUNOD NG “Oo”? (What’s next after she said “Yes”)

Natakot ako sa mga tanong na “Hanggang Kailan” at “Hanggang Saan”,
Natakot ako sa salitang “Hangganan”.

Hindi ito pumasok sa isip ko noong una. Hindi ito pumasok sa isip ko noong malaya kong tinanggap sa puso’t isip ko na mahal na kita. Hindi ito pumasok sa isip ko noong mga panahong pinupursige kong patunayan ang damdamin ko. Hindi ito pumasok sa isip ko kahit noong ibinigay mo na ang iyong matamis na “Oo”.

“Walang poreber”, mga katagang naririnig ko na bago pa kita nakilala. Uso na siya kahit noong simula pa lang na napapansin kita. Bago pa ako magkalakas ng loob ichat ka o maging hanggang sa araw araw na kita kausap at kasama.

Noon pa ma’y sikat na ang auto-react at auto-side-comment na “Maghihiwalay din yan” sa bawat may sumisibol na pagmamahalan saan man sulok ng media.

Ngunit hindi ang mga iyon ang pumigil sa akin para mahalin ka at pangaraping balang araw mamahalin mo rin ako. Hanggang sa dumating ang araw na iyon. Ngunit naging mas nakakatakot ang mga tanong na “Hanggang Kailan” at “Hanggang Saan”. Naging mas nakakakaba kapag naririnig ko yung salitang “Hangganan” noong naging tayo na.

Kaya ngayon gusto kong malaman kung ano ang kasunod ng “Oo” at “Mahal Din Kita”. Kaya nabuo sakin ang tanong na: Paano mo ako mas lalong mamahalin?

Sapat na bang sa bawat pitik ng orasan ako’y iyong kapiling?
Sapat na bang ang dalawa kong mata’y saiyo lang nakatingin?
Kapag kaya ko na bang sungkitin ang bituin?
O kapag kaya ko ng magluto ng paborito mong pagkain?

Paano mo ako mas lalong mamahalin?

Kapag araw araw kita kung suyuin?
o dapat oras oras pakiligin?
Kailangan bang laging may tula at bulaklak narin?
O kapag nabili na kita ng singsing?

Paano mo ako mas lalong mamahalin?

Sapat na bang tapat ako sa lahat ng bagay?
Kailangan bang damit nati’y pareho lagi ang kulay?
Sapat na bang magpangumaga na ako ng hanap-buhay?
O kailangan ko na bang magpagawa ng bahay?

Paano mo ako mas lalong mamahalin?

Kapag kabisado ko na ba ang Bibliya?
Kapag lahat na ng ginagawa at nasasabi ko ay tama?
Kapag hindi na ba ako nagkakasala?
o Sapat ng palagi tayo magkasamang nagsisimba?

Sa totoo lang mababaw ang mga naiisip kong tanong o posibleng sagot. Sa totoo lang hindi ko talaga alam kung paano ko haharapin ang bawat araw na alam kong isang araw maaaring nasa dulo ka na ng pisi ng iyong pasensya sakin. O kaya pagod ka ng unawain at tanggapin kung paano ako maging ako.O kaya naubos na ang pinakatatago-tago mong pagpapatawad sa bawat mali kong gagawin. O kaya naupos nalang na parang abo ang paghangang nagpapainit sayong pagtingin. O kaya naging mabigat na ang mga pakpak ng pagiibigan natin at nasakal ka na’t di na makalipad pa.

Isa lang ang alam kong bigkis na nagdudugtong sa pagitan ng “Tayo” at ng kasiguraduhang bukas “Tayo Parin”, iyon ay ang siguradong pagmamahal ko sayo na may gabay ng Maykapal – ang pinagmulan ng pagibig. Hiniling kita sa langit. Aalagaan ko ang karapatan kong maging iyo at ikaw na maging akin na may basbas ng langit. Sa Kanya ako huhugot ng pandugtong sa tuwing kinakapos at kinukulang ang limitadong pagmamahal ng isang tao. Siya na mas malalim pa sa karagatan at mas malawak pa sa kalawakan kung magmahal. Siya lang ang may kayang magmahal ng walang hinihinging kapalit o tinitignang basehan. Patuloy akong magpapahulma tulad ng palayok na handa kung may kailangang tapyasin o kailangang ulitin ulit. Patuloy akong magpapalago tulad ng isang halaman at handa ring magpaputol ng sanga kung kailangan para mas sumibol at magbunga.

Mahal kita kaya pagbubutihin kong lagi na lalo mo akong mahalin hanggang sa mawala ang takot natin sa nakasanayan ng mundong “Hangganan”. Yun lang ang alam ko.