Panandalian

53

Lungkot sa iyong mga mata ay namumutawi
Bakas ng luha ay nasa ‘yong pisngi
Marahil pagod ang sanhi
O baka naman nilisan kang muli
Ng taong inakalang habang buhay mananatili
Ano’t-ano pa man ang dahilan
At kahit sino pa man ‘yan
Nawa’y dinggin ang samo nitong damdamin:

Sa bisig ko’y panandaliang humimlay
Ipahinga ang puso’t isip mong matamlay
At kapag pagod na ay nahawi
Lakas na ay nabawi
At di mo na nais manatili
Ika’y malayang maglabay
Sa muling ika’y mahapo
Bisig ko’y handang umagapay

Kahit panandalian lang
Kahit ngayon lang
At kahit kaibigan lang
Nawa ay iyong pagbigyan
‘Tong natatangi kong kahilingan
Sadyang di ko lang kayang masilayan
Na maluoy ang ngiti sayong mga labi
At tuluyang lungkot sayo ay maghari