Umpisahan natin ang salaysaying ito sa tanong na “Kilala mo ba ang sarili mo? O naging istranghero ka na sa sarili mong kwento?”
Marahil isa ka rin sa mga taong madalas nagtatanong kung ano ba ang mali sayo at kung ano nga ba ang kulang sayo. Pero bakit mo nga ba itinatanong ang mga iyan? Kasi nasasaktan ka. Kasi may nalaman ka. Kasi may napagtanto ka. Pero pilit mo lamang ikinakaila dahil umaasa kang mali ang iyong hinala.
Marahil isa ka rin sa mga taong nagagalit sa sarili, na sa tuwing kinakamusta ka kung ayos ka lang ba, ang isasagot mo na lamang ay “Galit ako sa sarili ko” o di kaya’y “Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung kaya’t paano ko ipapaliwanag sa ibang tao”. Naguguluhan ka, at tila pakiramdam mo wala namang makakaunawa sayo sapagkat ikaw mismo ay panay ang pagkakaila sa totoong nangyayari sayo.
Ano nga ba talaga ang totoo? Hindi mo ba talaga alam ang totoo? O ayaw mo lang tanggapin ang alam mong totoo?
Pero alam mo kung ano ang totoo?… Imposibleng hindi mo alam ang dahilan kung bakit ka nagkakaganyan. Alam mo ang totoo pero ayaw mo lang tanggapin ang alam mong totoo. Bakit? Kasi umaasa ka pang magbabago ito. Umaasa ka pang sana umayon ito sa kagustuhan mo. Umaasa ka pang mabibigyan ng pagkakataon ang dalangin ng puso mo.
Oo maaari pa nga itong magbago pero hanggang kailan ka naman aasa? Hanggang sa madurog na ba ang puso mo? O baka naman gusto mo pang hintayin ang panahong hindi mo na makilala maski ang sarili mo? Awat na, habang maaga pa. Sinasaktan at ikinukulong mo lamang ang sarili mo sa pantasyang hindi mo sigurado kung magpapatuloy ka pa.
Huwag mong hahayaang maubos ka nang dahil lang sa wala. Hindi ka uusad kung patuloy mo lamang sisisihin ang sarili mo kung bakit ka nagkakaganyan. Hindi ka makakalaya kung patuloy kang mgpapaapekto sa nakaraang kaganapan. Nagwakas na ang pahinang iyon, at oras na para pahalagahan mo ang sarili mo. May sapat ka ng leksyon na napulot para iligtas mo ang sarili mo habang maaga pa.
Alam mo kung paano? Umpisahan mong patawaring ang sarili mo. Patawarin mo ang sarili mo sapagkat minsan mo itong tinalikuran dahil sa pagbabakasakaling mapilit mo ang tadhanang umayon sa kagustuhan mo. Patawarin mo ang sarili mo dahil nagpalunod ka sa mga insekuridad mo. Patawarin mo ang sarili mo upang maging handa kang patawarin ang mga bagay na naging dahilan kung bakit ka naging istranghero sa sarili mong kwento. Patawarin mo ang sarili mo dahil siya ang magiging kakampi mo hanggang sa dulo. Patawarin mo ang sarili mo upang buo kang haharap sa mga susunod pang hamon sayo.
Pagkatapos mong patawarin ang sarili mo, sana tulungan mo itong tanggapin ang sitwasyon na kinabibilangan mo. Siguro, mahirap tanggapin ang katotohanang nasa harapan mo, pero isa yang malaking hakbang upang mapalaya mo ang sarili mo sa bigat na nararamdaman mo. Tanggapin mo iyan bilang bahagi ng pagkatao mo, dahil kung hindi mo ito tatanggapin, patuloy mo lang ikukulong ang sarili mo sa pagsisisi at sa paghahanap ng mga kasagutan kung bakit nagkakaganyan. Tanggapin mo ito bilang pagpapapakatotoo na rin sa sarili mo. Maaaring mahirap, o nakakahiya, subalit iyan ang paraan upang matuldukan mo ang mga panghihinayang na nararanasan mo. Tanggapin mo dahil parte yan ng pag-usad mo sa mga susunod mo pang paglalakbay.
Mahirap, pero dapat harapin mo. Alam mo ang katotohanang nasa harapan mo, kaya lang natatakot kang aminin ito sa sarili mo kaya ka nagkakaganyan. Pero sana, sana dumating ang araw na kaya mo ng patawarin ang sarili mo, at kaya mo ng tanggapin kung anuman ang iyong pinagdadaanan.