BAKA NAMAN KASI

Saan ba? Saan banda? Ah, oo. Naalala kuna.

Sa chat. Sa chat pala. Sa chat pala nagsimula ang lahat.

Sa isang “HI” nag-umpisa at natapos sa isang “SEEN”.

 

Hindi ko lubos maisip na mas lalalim pa itong ating pagkakaibigan.

Hindi ko lubos akalain na magiging malapit tayo sa isa’t isa.

Sino ba naman ako? Utang na loob! Ang panget ko.

 

Pero hindi naman itsura ang sukatan ng pag-ibig kundi bulsa, este puso pala.

Puso ang nag-usap at siya ring magdidikta.

Ewan, basta bigla na lang nangyari ang lahat.

Hindi ko alam kung anong nasa isip ko ng mga panahong nagsimula pa lang tayong kilalanin ang isat-isa.

 

Puyat, lamok, hamog, aswang at si mama ang kinalaban ko makausap kalang magdamag.

Puno ng aratilis aking inakyat signal lang ay mahanap.

Calvin Harris, David Guetta, Chainsmoker, Skrillex, Diplo, G-Eazy, T-Pain, Usher, Florida, DJ Snake, Designer pinag-aralan ko masabayan ang hilig mo.

Mirriam-Webster, Oxford, Thesaurus, Encyclopedia pati na Atlas pinakuluan at ininom ko maintindihan lamang ang bokabyularyo mo.

Sigarilyo? Alak? Vape? Ay Diyosko! Ayoko!

 

Biglaang Island Hoping. Hindi ako imbitado? Chat at text ko binabalewala mo.

Anong mali? Anong pagkakasala?

Pagiging bipolar at pagka weirdo mo inintindi ko.

Thesis? Dumistansya ako.

Tipsy? Ang bastos mo.

Libro? Kahihiyan ko.

 

Isang linggong paghihintay baka pagod mo sa byahe isang linggo ring umalay.

Isang linggong pasulyap-sulyap sa mga larawan mo.

Convo natin binabalik-balikan ko.

Puso at utak ko nagtaka na. May nakita kana ba?

Paano na ako? Ang taas naman. Iniwan mo sa ere at hinayaang mahulog at masaktan.

 

Akala ko tuloy-tuloy na. Destiny aking kinanta.

Eh anong nangyari sa ating dalawa? Sinanay mo ako! Nagpalitan tayo ng mga matatamis na mga mensahe.

Tapos pinag-usapan natin ang ating mga pangarap. Nangako ka, nangako ako! Asan na?

Pinaramdam mo sa akin na naging parte na ako ng buhay mo. Na naging bahagi na ako ng puso mo.

Na isa ako sa mga importanting tao buhay mo. Pinaniwala mo ako sa salitang FOREVER. Tapos tatawagin mo akong LOVE? HAMPASLUPA! PWE!

 

Teka teka teka. May nakalimutan yata ako. At baka nakalimutan mo rin. Paalala ko lang.

Ano ba? Tama! Nangako ka sa akin na tutulungan mo akong mag move-on sa kanya!

Naaalala mo na? Kinain mo? Oh, nabusog ka ba? Kaya pala.

Ang sakit eh. Yung sakit na nakakakiliti. Sakit na parang mapapasayaw ka.

Sakit gaya ng bulok na bagang na binunot.

Yung alam mong wala na pero binabalik-balikan parin ng iyong dila hanggang sa masanay ka nalang na wala na.

Wala na siya.

 

Pero bago matapos ang tula ko para sayo, eto ang mga huling habilin ko:

LOVE, alam mo, ang ganda mo at ang tanga-tanga ko!

Pero pangako mo pinanghahawakan ko.

Dahil naniniwala pa rin ako sa mga salitang, “BAKA NAMAN KASI.”

BAKA NAMAN KASI, PWEDE PA.

BAKA NAMAN KASI, MAY CHANCE PA.

BAKA NAMAN KASI, TAYO TALAGA ANG PARA SA ISA’T ISA.

Exit mobile version