Current Article:

Bakit Ka Bumitaw sa Taong Mahal Mo?

Categories Relationships

Bakit Ka Bumitaw sa Taong Mahal Mo?

Marami ang nagsasabi na kapag nagmamahal tayo, ang pagbitaw ang huling naiisip natin, minsan pa nga ayaw natin isipin dahil yon ang ayaw natin mangyari kapag pumasok tayo sa relasyon. Pero paano kung sa kabila ng matinding pagmamahal, may mga sandali na nararamdaman mong nauubos ka, napapagod ka sa paulit ulit na pangyayari sa inyong relasyon.

Masaya ang simula ng relasyon ni Angelo at Rianne. Pano ba naman, matagal silang single dahil sa nakakatraumang pinagdaanan nila sa kanilang nakaraan. Masayahing tao si Rianne, napakalakas din ng kanyang personalidad dala na rin siguro na galing siya sa isang kilalang pamilya. Samantalang si Angelo, simple at tahimik lamang. Kaya naman bago pa maging sila, nag-set na sila ng mga do’s and don’ts sa kanilang pagsasama upang maiwasan ang conflict. Katulad ng ibang magkasintahan, anuman ang paghahandang gawin ay hindi maiiwasan na magkaroon ng di pagkakaintindihan, mga pagtatalo. Tila ba hindi naging sapat ang siyam na taon ng kanilang pinagsamahan at nararamdaman ni Angelo na sa tuwing mag-aaway sila, tinatanong niya ang kanyang sarili kung mahal pa ba siya ni Rianne. Nakakaramdam siya ng insecurities dahil na rin sa kanilang pagkakaiba sa estado ng buhay. Si Rianne naman ay nakakaramdam ng pagkaubos ng pasensya kay Angelo; pakiramdam niya ay hindi siya kayang ipaglaban ni Angelo o kaya naman ay si Angelo ang nagiging kalaban niya na dapat ay kanyang kakampi sa kanyang mga kinakaharap na problema. Di man alam ng bawat isa ngunit pareho silang nakakaramdam na tila hindi na sila mahalaga sa bawat isa.

Si Rianne ang unang sumuko, nakipaghiwalay ito kay Angelo. Ayon sa kanya, hindi niya na nararamdaman ang pangako ni Angelo na walang iwanan anuman ang sitwasyon, anuman ang mangyari. Napapagod na rin daw siya ipaunawa kay Angelo na kailangan niya ng mas mahabang pasensya dahil sa katayuan niya sa buhay. Inilahad naman ni Angelo na para bang wala na siyang ginawang tama sa paningin ni Rianne, na hindi na nakikita ni Rianne ang mga mabubuti at tamang ginagawa niya, puro pagkakamali na lamang ang naging malinaw sa kanyang mga mata.

Bakit ka bumitaw sa taong mahal mo? Ayon sa kanila, anumang pagmamahal ay hindi sapat kapag nawala ang maayos na komunikasyon at respeto. Komunikasyon ang pangunahing nagdudugtong mga nagmamahalan. Ang lahat ng bagay, damdamin o pangyayari ay dapat pinag uusapan. Lahat ng agam agam, takot, galit, hinanakit o tampo ay kayang burahin ng pag-uusap. Sa sobrang halaga nito, pag nawala ang komunikasyon kaya din nitong burahin ang pagmamahal. Ang respeto naman ay pagbibihay ng kahalagahan di lamang sa taong minamahal kundi na rin sa ating sarili. Minsan inaakala natin na ang susi para sa ating kaligayahan ay ibigay at gawin ang lahat. Magkagayunpaman, kapag patuloy natin itong ginagawa, nauubos ang respeto at pagpapahalaga natin sa ating sarili na siyang nagiging dahilan upang tayo ay makaramdam ng pagod at kawalan ng emosyonal na interes. Lahat ng sobra ay masama kaya hindi dapat sobrang pagpapatawad, sobrang pag-intindi, sobrang atensyon at sobrang pagmamahal. Kailangan pa rin magreserba para sa sarili. Tulad nila Angelo at Rianne, nawalan sila ng maayos na komunikasyon upang linawin ang kanilang mga nararamdaman at hinayaan na lamang sila kanin ng kanilang sama ng loob. Naubos ang kanilang respeto sa sarili at sa bawat isa dahil inakala nila na pwedeng palampasin ang lahat. Tiyak sila na mahal nila ang isa’t isa ngunit napagod na sila, bumitaw na. Ikaw, tulad ka rin ba ni Angelo at Rianne… bakit ka bumitaw sa taong mahal mo?